Mga aktibidad para sa Chinese New Year, kasado na

Posted at Feb 17 2015 11:07 AM | Updated as of Feb 17 2015 07:07 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Muling nakipagtulungan ang mga pinuno ng Chinese community sa Binondo sa lokal na pamahalaan ng Maynila para sa isang linggong pagdiriwang ng Chinese Lunar New Year.

Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, nagsimula ang pagdiriwang sa inagurasyon ng tinaguriang "New Gate to Chinatown" sa paanan ng Jones Bridge kahapon.

Kasabay rin ito ng Food Fair na tatagal naman hanggang Pebrero 22.

Gaganapin naman ang New Year countdown sa Plaza San Lorenzo Ruiz sa Pebrero 18 mula 8 p.m. hanggang hatingggabi.

Magkakaroon din ng fireworks sa Regina Tower at Solidarity Gathering sa Pacific Center.

Sa mismong New Year's Day, Pebrero 19, magkakaroon naman ng float parade mula Plaza San Lorenzo Ruiz patungong Lucky Chinatown.

Magkakaroon din ng midnight sale mula Pebrero 18-21 ang lahat ng mga establisimiyento sa Binondo.

May bazaar rin sa kalye ng Ongpin at Soler mula Pebrero 19-21.

Sa ngayon, damang-dama na ang okasyon sa buong Binondo at Ongpin dahil sa mga nakasabit na Chinese lanterns.

Nakapwesto na rin ang ilang mga prutas at iba pang pinaniniwalaang pampaswerte ngayong Year of the Wood Sheep.

Pinakamabenta pa rin ang tikoy na mabibili sa halos lahat ng kalye dito sa lugar.

--Umagang Kay Ganda, 17 February 2015