EXCLUSIVE: Africans seized for tricking Pinays into drug smuggling

Posted at Jan 10 2011 11:00 PM | Updated as of Jan 11 2011 10:31 AM

Biyernes ng gabi nang dumating sa bansa si Malik Bawa, umano'y miyembro ng West African drug syndicate.

Modus ng grupo ang manligaw ng Pilipina at alukin ng malaking halaga ng pera para maging courier ng cocaine sa iba-ibang bahagi ng mundo.

Una nang na-intercept ng PDEA ang pinadalang 3 kilo ng cocaine ng sindikato mula sa isang Pilipinang courier noong isang buwan.

Sa tulong na rin ng Pilipinang courier, nagsagawa ng entrapment operation ang PDEA nang malamang narito sa bansa si Bawa para bawiin na ang droga.

Nakuha kina Bawa at Ricard Affiah, na isang Togolese-Ghanaian, ang isang kilong cocaine.

Arestado rin ang isang Thai na si Puntiva Chareonthong na gagawin sana nilang drug courier sa Bangkok.

Ayon kay outgoing PDEA Dir. Gen. Dionisio Santiago, nanggagaling ng Peru at Colombia ang mga cocaine.

"Hindi kayo papatawarin sa Pilipinas? Kinukulong niyo ang mga Pilipina? Kukulungin rin namin kayo dito. Sabi ko kung hindi lang bawal ay kakatayin ko iyong mga iyan, eh," ani Santiago.

"Ang modus operandi nila ay gamitin nila ang mga Asian nationals particularly para magdala ng droga kasi 'pag ikaw ang may dala ng droga, wala silang risk," sabi naman ni Major Ferdinand Marcelino.

Higit 20 miyembro na ng West African syndicate ang nahuhuli ng PDEA simula noong isang taon.

Umaabot naman sa 687 Pilipino ang nahuhuli sa kasong drug trafficking sa ibang bansa. Pitumpu't anim rito ay nasa death row sa China, anim sa kanila wala nang apela.

Ang ibang Pinay, hindi alam na droga na ang bitbit.

"'Tsaka na lang nila malalaman iyon 'pag pumunta na sila doon sa pinanggalingan nila. Kunwari, Malaysia, eh ibibigay na nila doon 'tsaka na lang nila malalaman," ani "Liz," isa umanong ginamit na drug courier ng sindikato.

Babala ng mga Pilipinang nakaranas nang maging drug courier, huwag itaya ang kinabukasan para sa ilang pirasong dolyar.

Ngayong araw, kinasuhan na ng drug trafficking ang tatlong foreign nationals sa Department of Justice. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino