ABS-CBN News

Manila police faces rape, robbery raps

Posted at | Updated as of 01/05/11 10:57 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Napapailing na lang si Senior Insp. Ronald Andres, hepe ng Integrity Task Force, isang division sa Manila Police District na nag-iimbestiga sa mga tiwaling pulis.

Paano naman, mismong sa opisina niya nangyari ang panggagahasa umano kay alyas "Vanessa" ng pulis na si PO3 Antonio Bautista Jr..

Ayon sa salaysay ni "Vanessa” nasa Carriedo sila ng kanyang asawa para magsimba 5 a.m. noong Dec. 31 nang arestuhin sila ni PO3 Bautista sa kasong bagansiya.

Nang dalhin sila sa Manila Police District headquarters, dinala umano siya ni Bautista sa opisina ng Integrity Task Force. Sarado ang opisina kaya't dinistrungka pa ito ng pulis.

“Tinanggal niya ito at siguro dinukot niya rito. Maaabot naman eh. Kasi tinignan ko kung paano siya makakapasok eh,” sabi Andres.

Pagkadistrungka sa pinto, ayon na rin sa salaysay ng biktima, dito sa mesang ito naganap ang panggagahasa sa kanya ng pulis.

Ayon kay Vanessa, kinuha ni PO3 Bautista ang kanyang P4,000 pera sa wallet saka pinaupo sa mesa.

Pinaghubad daw siya ng pantalon at doon na raw siya hinalay ni Bautista. Ipinagtapat din ng biktima sa asawa ang ginawa sa kanya.

Kasong rape at robbery ang kinakaharap ngayon ni PO3 Bautista Jr. Ayon sa pamunuan ng Manila Police District, hindi dapat nanghuli si Bautista dahil duty siya bilang desk officer nang araw na iyon sa District Intelligence Division kung saan siya nakatalaga.

“Siyempre masakit sa akin kasi siyempre ang Integrity Task Force nga ang trabaho namin eh... 'Yung mga...hinuhuli namin ang mga pulis na may mga kasalanan. Tapos diyan pa gagawin sa loob ng opisina,” paliwanag ni Andres.

Mula nang maganap ang insidente, hindi pa nagpapakita sa MPD headquarters si Bautista. Dahil sa takot nagtatago na rin ngayon ang biktima.

“Binigyan ko siya ng warning sabi ko sa asawa niya magpakita siya sa akin hanggang 6 p.m. kapag hindi eh ibang usapan na iyan. Massive manhunt,” sambit ni Supt. Ernesto Fojas, hepe ng District Intelligence Division.

Bukod sa kasong kriminal, sinampahan na rin ng kasong administratibo si Bautista tulad ng grave misconduct at malicious mischief. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino