Exclusive: New peso bills' designer insists there's no error

Posted at Dec 24 2010 12:19 AM | Updated as of Dec 24 2010 11:42 AM

Sa isang bansa kung saan problema ang pagkakaroon ng pera, mismong pera ngayon ang problema.

Binabatikos ngayon ang bagong disenyo ng pera dahil sa umano'y samu't saring mali tulad ng kulay ng tuka ng ibon, ang scientific name, at lokasyon sa mapa. Gaya naman ng Bangko Sentral, iginiit ng kumpanyang nagdisenyo sa bagong peso bills na hindi pagkakamali ang mga ito.

Paliwanag ng Design Systemat, monochromatic o iisa lang ang kulay na ginamit sa imprenta para sa bawat denomination ng pera. Kaya ang dapat pulang tuka ng blue-naped parrot sa likod ng P500 orihinal nilang disenyo, dilaw ang kinalabasan.

"Hindi mali ang bank note. Limitasyon lang ng pag-imprenta. Going through the securitization process at value of printing, that process had to make some choices,” ani Lito Bunag, presidente ng Design Systemat.

Wala ring mali sa pagtunton sa Tubbataha Reef sa mapa sa P1,000 bill, ayon sa cultural heritage planner na nagsulong na mapasama ang Tubbataha sa UNESCO World Heritage sites.

“World heritage site is never just one place. It’s never just one pin point. The site that is inscribed is actually the Tubbataha Reef National Marine Park which at the time of inscription is 30 sq km,” ani Augusto Villalon, isang cultural heritage planner.

“It’s definitely not a geographers' map. It does not pretend to be a precise map,” dagdag pa ni Bunag.
 
Higit sa disenyo, pinakamatibay na katangian ng pera ang dagdag nitong security features na hindi madaling mapeke. Hindi naman nagkomento ang kumpanya tungkol sa maling pagkakasulat sa mga scientific name ng mga hayop sa pera.

Sa pananaw ng mga taong nagdisenyo sa bagong peso bills, sinisimbolo lang ng mga elemento sa pera ang kultura at mga atraksyon sa bansa, at walang layuning maging eksaktong kopya ng mga ito. Ryan Chua, Patrol ng Pilipino