ABS-CBN News

NTC raps telcos for not lowering SMS rate

Posted at | Updated as of 12/14/11 11:09 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Ito ang "show cause order" ng NTC na ipinadala kanina sa Globe, Smart at Sun.

Kinasuhan ang 3 telecom firm dahil sa hindi pagsunod sa utos ng National Telecommunications Commission na ibaba ang singil sa text sa P0.80 mula P1.00 bawat mensahe.

Pinatatabi naman ng NTC sa mga telco ang record ng lahat ng text na ipinadala mula December 1 hanggang sa madesisyunan ang kaso.

Paliwanag ni NTC Director Edgardo Cabarios, "Para just in case ang desisyon is mag-refund, may data.”

Sa 2 bilyong text messages na ipinadadala araw-araw, hanggang 4% o 80 milyon ang regular text na piso ang bayad.

Ang katumbas ng P0.20 na bawas mula December 1 hanggang ngayon, nasa P208 million na refund kung sakaling ito ang iutos ng NTC.

Pero gaya ng Globe, nanindigan ang Smart na sumunod sila sa utos ng NTC at deregulated ang singilan sa text.

Samantala, nagbabala rin ang NTC sa mga bibiyahe ngayong holiday season bitbit ang kanilang cell phone. Alamin daw muna kung magkano ang singil sa data roaming charges at kung magkano ang bayad sa text at tawag kapag nasa ibang bansa para di mabiktima ng tinatawag na "bill shock."

“Bill shock” ang tawag kapag na-shock sa sobrang laki ng bill dahil sa sangkaterbang charges.

Payo ng mga eksperto, i-off ang data roaming o itawag sa telco na huwag itong paganahin.

Ani Jerry Liao, "Because of the process it involves sa data roaming, nagkakaroon ka ng charges.”

Kapag bukas ang data roaming, may dagdag-bayad ang pagpasok ng mga e-mail kahit 'di pa ito binuksan ng subscriber. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino