‘Oplan Isnabero’ relaunched vs choosy cabbies

Posted at Dec 10 2010 10:56 PM | Updated as of Feb 15 2017 07:38 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Epektibo na at puwedeng-puwede nang pagsumbungan ng mga pasahero ang Oplan Isnabero ng Department of Transportation and Communication. Ito’y lalo’t karaniwan nang problema ng mga commuter tuwing magpapasko ang mga taxi driver na abusado at namimili ng mga pasahero.

Naka-3 lipat na ng puwesto sina Micah Flores bitbit ang kanilang mabibigat na bag, pero sa dinami-dami ng mga taxi sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA, walang gustong magsakay sa kanila papuntang Marikina.

“Namimili sila ng isasakay nila. Nakakainis,” ani Micah Flores.

Nakasakay sila matapos ang halos isang oras na paghihintay.

Dadalo naman sa kasal ang barkada nina Jennifer, pero hirap din silang kumuha ng taxi papuntang Katipunan.

“Marami na pong hindi pumansin sa amin dahil out of way,” ani Jennifer Macalina.

Tuwing magpapasko, nagiging karaniwan ang ganitong sitwasyon para sa mga commuter lalo’t dagsa sa lungsod ang mga namamasyal at mamimili.

Kaya para mabawasan ang sakit sa ulo ng mga pasahero, inilunsad ng DOTC ang Oplan Isnabero na huhuli sa mga driver na namimili ng pasahero.

Nagpaliwanag din naman ang mga driver. Nalulugi raw sila sa sobrang trapik dahil sa mataas na presyo ng krudo kaya minsan, kailangan nilang tumanggi.

“Kasi sa tingin ko kung paano mo sila ia-approach eh. Kung hindi mo sila io-offend, hindi naman magagalit iyan eh,” sambit ng isang taxi driver.

Giit naman ng DOTC, bawal silang mamili ng pasahero. Sa mga nais magsumbong ng isnaberong taxi driver tumawag lang o magtext sa DOTC hotline.

Para sa mga magsusumbong, huwag kalimutang ilagay ang plate number ng taxi at ang oras at lugar ng pinangyarihan ng violation. LTO ang  bahalang magpataw ng parusa sa mga mapapatunayang nagkasala at puwede silang pagmultahin ng hanggang P1,500 at masuspinde ang lisensya ng hanggang 2 buwan. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino