Ex-Comelec chief Abalos faces poll sabotage raps

Posted at Dec 07 2011 10:04 PM | Updated as of Dec 08 2011 06:04 AM

Matagal nang pinaplano ng Comelec ang paghahabla kay dating Chairman Benjamin Abalos para sa diumano’y dayaan noong 2007 elections.

Pero kanina lamang naisampa ang kaso sa Pasay Regional Trial Court dahil plinantsa pa raw ang ilang mga detalye ng Comelec en banc.

Kasama sa mga kinasuhan ng electoral sabotage ang provincial election supervisor ng North Cotabato na si Yogie Martirizar at ang AFP intelligence agent na si Captain Peter Reyes.

Nagkataon naman na nai-raffle ang kaso ni Abalos sa sala rin ni Judge Jesus Mupas ng Branch 112.

Si Judge Mupas ang may hawak sa reklamong electoral sabotage laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo.

Bandang 4:30 ng hapon natanggap ng Branch 112 ang kaso pero hanggang sa magsara ito ay hindi pa rin naglalabas ng arrest warrant si Judge Mupas.

Posible pang madagdagan ang kaso ni Abalos dahil inihahanda na rin ng Comelec ang isa pang kaso ng electoral sabotage laban sa kanya para naman sa diumano'y dayaan sa South Cotabato.

Kasalukuyan namang dinidinig ang kaso sa Pasay RTC Branch 114, kung saan akusado ang provincial election supervisor na si Lilian Radam.

Malamang daw ay amyendahan na lamang ng Comelec ang reklamo para isama si Abalos.

Ayon naman kay Justice Secretary Leila de Lima, puwede pa ring maging state witness sina Radam at Martirizar depende sa magiging desisyon ng korte.

Wala naman kasing nagiging state witness nang hindi muna sinasampahan ng kaso sa korte.