Robredo: Gov't will pay Arroyo's hospital bill

Posted at Dec 02 2011 10:10 PM | Updated as of Dec 03 2011 06:10 AM

Maagang nagsidatingan sa Kampo Crame ang mga opisyal ng PNP, VMCC, Armed Forces of the Philippine, Department of National Defense, Bureau of Jail Management and Penology at ang Department of Interior and Local Government para pag-usapan ang magiging sistema ng paglilipat kay Congresswoman Gloria Arroyo mula St. Luke’s Medical Center sa Taguig patungong Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.

Nauna rito, nilinaw ni Secretary Jesse Robredo na gobyerno ang magbabayad ng hospital bill ni Ginang Arroyo sa Veterans.

“Ang katunayan konting ayos lang naman ho iyon. Malinaw na utos ito ng husgado kaya ang mananagot dito ay gobyerno,” sabi ni Robredo.

Sisiguruhin naman ng Task Force FP-GMA na magiging ligtas at maayos ang seguridad ng dating pangulo sa paglipat nito ng ospital.

Magiging guwardiyado naman ang buong Veterans magmula sa gate, perimeter,
at sa labas ng presidential suite.

Inihahanda rin ang mga walk-through security panel at posibleng paglalagay ng CCTV sa paligid ng ospital.

Ang mga dadalaw naman kailangang mag-surrender din ng mga cell phone.

Nag-request na rin ang PNP sa Civil Aviation Authority ng "no fly zone" sa mga lugar na dadaanan ng convoy ng dating Pangulo.

"Wala po tayong narinig na validation patungkol sa threat. At sa tingin natin ay sufficient ang nilatag natin na security route at area security para sa Pangulo,” sabi ni Chief Supt. Agrimero Cruz Jr.

Pinayagan namang magbitbit ng sariling nurse at aide ang dating pangulo habang naghahanda rin ang Veterans ng sariling medical team kung kakailanganin.

“We have the capability. But then again, if she chooses and the court allows, [that’s fine,]” sabi ni Dr. Nona dela Fuente-Legaspi, director ng VMMC.

Inaasahan na bago o sa mismong December 6 dadalhin si Arroyo sa VMMC. Doland Castro, Patrol ng Pilipino