Vizconde accuses judge of influencing peers to acquit Webb

Posted at Nov 26 2010 11:09 PM | Updated as of Nov 27 2010 07:09 AM

Isang miyembro mismo ng Korte Suprema ang bumulong umano kay Lauro Vizconde na binabraso ni Associate Justice Antonio Carpio ang mga kapwa miyembro ng Korte Suprema para ipawalang sala si Hubert Webb.

Matatandaang nag-inhibit si Carpio sa kasong ito dahil minsan siyang naging testigo para sa akusado.

Tumanggi naman si Vizconde na pangalanan ang kanyang source.

“Talagang binabraso itong kasamahan sa justice para paboran siya in favor of the Webb,” ani Vizconde.

Mariin naman itong itinanggi ng Korte Suprema. Iyan daw ay mabigat na alegasyon na kailangan patunayan.

"Justice Carpio will not dignify that accusation with a comment, that is pure speculation," ani Justice Midas Marquez.

Hindi naman matanggap ni Mrs Beth Webb, ina ni Hubert, ang umano'y panibagong taktika na ito na impluwensiyahan ang deliberasyon sa kaso sa pamamagitan ng public opinion. Masakit, aniya, para sa ina ang ganitong uri ng taktika.

“Kasi ano eh, we played it fair. We believe in the system. We allowed the system to do its natural course. Tapos ito na naman, lies and lies and lies. The pain of the 15 years, of 16 years, bumabalik na naman eh,” ani Webb.

Hindi naman na natatakot si Misis Webb sa anumang kahihinatnan ng kaso sa kanyang anak. Ang ikinalulungkot lamang niya, pareho umano sila ni Vizconde na biktima dahil ang totoong salarin ay nakakalaya pa rin.

Gayundin si Vizconde. Sa kabila ng kanyang pagbubunyag, handa niyang igalang ang anumang magiging desisyon ng kataas-taasang hukuman.

Samantala, kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima na inaprubahan na niya ang pagpapalaya kay Gerardo Biong matapos mapagsilbihan ang kanyang sintensya kaugnay ng Vizconde Massacre case.

Si Biong ay dating pulis-Parañaque na nahatulan bilang "accessory to the crime." Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino