DOH readies for possible spread of bird flu

Posted at Nov 19 2010 09:55 PM | Updated as of Nov 20 2010 05:55 AM

Aabisuhan ng DOH [Department of Health] ang mga airports na maging mahigpit sa pag-monitor sa mga pasaherong pumapasok at lumalabas ng bansa sa pamamagitan ng thermal scanner.

Ito ay para matiyak na walang makakalusot na nagtataglay ng mga sintomas ng birdflu.

"We will advise them to upgrade strict monitoring ng passengers na may lagnat, sore throat, and difficulty in breathing," ani Sec. Enrique Ona.

"Kapag may sintomas titingnan muna ng doktor at i-quarantine kung kinakailangan," ani Dr. Eduardo Janairo ng DOH National Center for Disease Control and Prevention.

May panawagan din ang DOH sa mga taong galing sa mga bansang may bird flu.

Kahapon kinumpirma ng Hong Kong ang pagkakaroon ng isang kaso ng bird flu sa kanilang bansa.

"Magpatingin agad sa doktor kapag may naramdamang sintomas para di na ito maihawa pa sa iba," ani Dr. Lyndon Leesuy, infectious disease specialist.

Ang bird flu o avian influenza ay isang sakit ng mga ibon, manok, bibe at gansa na maaaring makamatay. Puwede itong makahawa sa tao kapag nahawakan o nasinghot ang laway, dumi at sipon ng manok o ibon.

Ayon pa sa DOH, sakali rin na may makita kayong mga ibon na namatay sa inyong bakuran o sa inyong lugar,mas makakabuti na huwag muna ito hawakan. Sa halip ay ipagbigay-alam sa mga veterinarians dahil may tamang  paraan para hawakan ito.

'Di pa maglalabas ng travel advisory ang Malacañang pero pinag-iingat pa rin ang publiko.

Ayon sa DOH, may paraan para makaiwas sa bird flu. Huwag pagsamahin ang mga alagang ibon, baboy, at iba pang hayop sa iisang kulungan. Siguruhing malayo ang mga nabanggit na hayop sa tirahan ng tao. At siyempre, pinakamabisang panangga pa rin  ang kalinisan sa katawan. Sol Aragones, patrol ng Pilipino.