LTO pushes law banning kids on motorcycles

Posted at Oct 27 2010 10:27 PM | Updated as of Oct 28 2010 10:14 AM

Dito sa kanto ng Avenida, Rizal at Recto, nahuli ng mga traffic enforcer ang pamilya Santos dahil lumabag sila sa ordinansa sa Maynila na nagbabawal sa pagsasakay ng bata sa motorsiklo.

Bukod sa angkas na nga ang anak, may mga dala pa silang mga paninda. Nagmakaawa sila sa mga traffic enforcers, dahil wala silang pambayad sa P300 multa.

“Madalas po ang aksidente, wala kayong panalo diyan,” sabi ng enforcer.

“Oo nga po, kaso nga, sir, ipapa-check up namin 'yung bata at ide-deliver namin ito, kailangan namin ng pera,” sabi ni Ginang Santos.     

Nagmakaawa rin ang pamilya Tagoma dahil kaoopera lang ng ina at napilitang dalhin ang anak na hindi maiwan sa bahay at nakatulog na sa motorsiklo.

Niko: Hindi ba kayo natatakot kung sakaling maaksidente kayo?

Ron Tagoma: Hindi naman, sir, dahan-dahan lang naman ang takbo namin.

Ngunit ayon sa LTO, mali ang paulit-ulit na pinagbibigyan ang mga nagmamakaawang motorista.

“Papaano kung pinagpatuloy mo, hindi mo hinuli, pinagpatuloy mo at nabangga sa kanto? Hindi ba’t pananagutan mo rin iyon bilang law enforcer,” ayon sa chief  ng LTO Traffic Safety Division na si Daisy Jacobo.

Sa ngayon dinidinig pa sa Kongreso ang mga panukala laban sa pagsasakay ng mga bata sa motorsiklo.

Sinusuportahan ng LTO ang bersyon ng Senado na nagbabawal sa mga 12-anyos pababa na umangkas base sa pamantayan ng World Health Organization.    

"Minsan 'yung ibang bata, nakakatulog at nakakabitaw," dagdag pa ni Jacobo.

Mahigit 4,000 motorcycle-related accidents ang naitala noong 2009 at 249 naman nito lamang Enero.
Niko Baua, Patrol ng Pilipino