Why some people want to be barangay chairman?

Posted at Oct 25 2010 10:41 PM | Updated as of Oct 26 2010 09:36 AM

Madalas inii-small lang ng mga botante ang pagboto ng barangay chairman. Akala'y takbuhan lang ito ng mga away. Pero ayon sa Comelec, marami ang nagkakandarapang tumakbong barangay captain dahil sa pondo at kapangyarihan nito.

"Ngayon maraming benefits: may suweldo, tapos meron silang  Internal Revenue Allotment. Malaking pera 'yan," ani Atty Ferdinand Rafanan ng Comelec law department.

Sa Barangay 310, isang mahirap na barangay sa Maynila, sa isang taon, P2.5 milyon ang nakuhang IRA o Internal Revenue Allotment ng barangay -  perang ginamit sa pagpapagawa ng health care center, day care center at maging ng burulan.

Si Chairman Thelma Lim, sumusuweldo ng P16,000 kada buwan. Siya rin ang nasusunod kung saan at ano ang gagawin sa pondo ng barangay.

Pero barya 'yan sa pondo ng San Lorenzo, Makati, kung saan umaabot sa P120 milyon ang IRA o pondong hawak ng barangay captain. Pondong pinambili ng P42 milyong lamp posts na naging sentro ng kontrobersya kamakailan. Ayon sa NAMFREL [National Citizens' Movement for Free Elections], sa mga proyektong ganito kumi-kickbak ang ilang kapitan.

"Siyempre, 'akong bahala dito,' kahit medyo mataas, o kaya medyo hindi maganda ang kalidad, dahil merong 'friends with benefits' naman eh - 'bigyan mo ako ng komisyon,'" ani Eric Alvia ng Bantay Boto ng Namfrel.

Kaya naman ngayong halalan, nakakagulantang na 4,433 barangay captain ang tumatakbong multi-termers - ibig sabihin, lumampas na sa itinakdang 3 consecutive terms pero lumulusot pa!

"Noong wala pang maraming benefits 'yong mga barangay officials, walang gustong tumakbo" ani Commissioner Armando Velasco.

Dahil dito, ipinasa ng Comelec ang Resolution 9077, kung saan 'di puwedeng iproklama ang sinumang mananalong multi-termer. Bukod sa permanent disqualification ay kakasuhan pa ng kriminal ng Comelec.

Ayon sa Comelec, binigyan na nila ang lahat ng Board of Election Tellers ng listahan ng mga multi-termers na tumatakbo muli bilang barangay captain para di magkamaling maiproklama. Kung mapapatunayang, multi-termer ang isang nanalong kandidato, ang number one kagawad ang ipoproklamang panalo ng Comelec. Karen Davila, Patrol ng Pilipino