Mayor Lim: Reputation gone because of IIRC report

Posted at Sep 21 2010 09:21 PM | Updated as of Sep 22 2010 11:08 AM

Galit si Manila Mayor Alfredo Lim sa pagdawit sa kanya ng Incident Investigation and Review Committee (IIIRC) sa mga opisyal ng gobyernong nagpabaya sa August 23 hostage crisis. Isa-isang sinagot ni Lim ang findings ng komite sa umano'y mga naging kapabayaan niya bilang pinuno ng local crisis management committee.

“Pulis lang ang magpapakamatay! Remember that, pulis lang! And yet what are we getting into? Sisihin nang sisihin ang pulis...” galit na pahayag ni Mayor Lim.

Ayon kay Lim hindi naging patas ang mga miyembro ng IIRC sa kanilang imbestigasyon.

Pinuna sa report ang naging kapabayaan umano ni Lim bilang pinuno ng local crisis management committee.

Ayon kay Lim, adviser lamang at taga-bigay ng technical support ang tunay na naging papel ng kanyang grupo sa hostage crisis.

Sinisi rin ng IIRC si Lim dahil sa kanyang desisyong isama ang kapatid ng hostage-taker na si SPO2 Gregorio Mendoza sa negosasyon at sa bandang huli ay ipaaresto sa mga pulis na umano'y dahilan ng pagpapaputok ng hostage-taker.

“He was never handcuffed there. Saan siya na-handcuff? Noong nasa labas na iyon, noong nagkakaroon na nang hilahan doon. Wala kaming nalalaman ni vice mayor doon eh,” giit ni Lim.

Pinuna rin ng IIRC ang desisyon ni Lim na iwanan ang command post para kumain sa Emerald restaurant sa Roxas Boulevard.

Ipinakita ni Lim ang mapa para patunayan na malapit lamang ang restaurant sa Quirino Grandstand.

Hindi naiwasang maging emosyonal ni Lim.

Bilang dating pulis, nasasaktan daw siya sa ginagawang panlalait ngayon sa mga pulis dahil sa hostage crisis.

“Ang sinasabi ko lang huwag namang masyadong ikondena dahil lang ang magpapakamatay para sa inyo. I’m talking of good policemen and they are paid to die. ‘Pag labas niyan sa bahay, ang isang paa nasa hukay na,” ani Lim.

Higit 50 taon daw niyang inaalagaan ang kanyang pangalan na ngayon ay dinungisan na ng report ng IIRC.

“Ano iyang mga serbisyo kong iyan, iyan balewala nang lahat! You build up a reputation, you put up a good name tapos all of a sudden wala na lahat? Hindi ka na makalakad niyan, sinasabi ng mga tao “Iyon oh, tanga iyon.’ This is what I get?” ani Lim.

Handa si Lim na harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya, pero hiling niya na alisin si Vice-Mayor Isko Moreno sa listahan ng mga kakasuhan.


Ayon naman kay Moreno: “’Pag nakulong siya, magpapakulong din ako. Magsama na kaming dalawa sa oblo.”

Ayon kay Lim, hindi na dapat humantong pa sa kasuhan ang hostage crisis.

Kailangan lamang raw matuto ang lahat sa malagim na pangyayaring ito.

Nagtataka rin si Lim kung bakit kinasuhan ang halos lahat ng mga ipinatawag ng IIRC maliban kay SPO2 Gregorio Mendoza na isa umano sa naging ugat ng pagwawala ng kanyang kapatid na hostage-taker. – Julius Babao, Patrol ng Pilipino