Ex-house help testifies vs Ampatuans in massacre trial

Posted at Sep 08 2010 09:12 PM | Updated as of Sep 09 2010 05:14 AM

Matapang at dire-diretso ang testimonya ni Laks Saliao laban sa mga dati niyang amo.

Si Saliao ang may hawak ng cellphone ni Andal Ampatuan Sr. at nagbibigay sa kanya ng gamot at pagkain.

Sabi niya, dalawang beses nagpulong ang pamilya Ampatuan para pag-usapan kung paano pipigilan si Esmael Mangudadatu sa pag-file ng kanyang certificate of candidacy.

Ayon kay Saliao, tinanong ni Andal Ampatuan Sr. sa kanyang kapamilya kung sang-ayon sila sa planong patayin ang mga nasa Mangudadatu convoy.  

Ani Saliao, nagtawanan ang mga nasa pulong at ang kanilang sagot: “Okay kami lahat, patayin silang lahat.”  

Iniuugnay din ni Saliao si ARMM Governor Zaldy Ampatuan sa plano kung saan sinabi umano nito na aprubado ang plano basta't tiyaking hindi sila mabubuko.

Sa ngayon hinihiling ni Zaldy sa Court of Appeals na tanggalin siya bilang akusado sa kaso.  

Noong araw ng masaker, inilahad ni Saliao sa korte ang narinig niyang usapan ng mag-ama.

Ayon sa kanya, iniutos ng matandang Ampatuan na huwag isama ang media sa papatayin pero sagot umano ni Andal Jr. lubus-lubusin na nang walang makapagsalita.

Isang araw umano naman matapos ang masaker, sinabi ni Saliao na pinlano ng pamilya kung paano isusuko si Andal Jr. sa kustodiya ni Pangulong Arroyo, kasama si Congressman Didagen Dilangalen na tiniyak naman umano sa kanila ni Jesus Dureza.  

Para sa prosekusyon, maituturing na “smoking gun” ang testimonya ni Saliao na makapag-uugnay sa mga Ampatuan sa krimen.

Sinikap naman ng depensang palabasin na tila tinuruan ang testigo sa kanyang salaysay.

Kinuwestiyon ng abogado ng mga Ampatuan kung paanong naidetalye ni Saliao ang partisipasyon ng halos 30 Ampatuan at mga kamag-anak nila.

“Labingwalong taong nanilbihan sa mga Ampatuan. Sa tagal pa naman niya na kasambahay. So kilala niya, kahit nakapikit ang mga mata niya, kilala niya ang mga iyon,” depensa ni Atty. Nena Santos, abogado ng mga pamilya ng mga biktima.

Nabuhayan naman ang mga kamag-anak ng mga biktima sa testimonya ni Saliao.

Sabi ni Atty. Harry Roque, mahalagang ipatawag si dating Pangulong Arroyo sa pagdinig dahil sa pag-uugnay sa kanya ni Saliao sa kaso.

Ang susunod na testimonya ni Saliao ay tungkol naman sa mga panunuhol umano ng mga Ampatuan para pagtakpan ang kaso.

Sa panayam sa telepono, sinabi ni dating congressman Didagen Dilangalen na naabutan niya sa bahay ni Andal Sr. na nagpupulong na sina dating Secretary Jess Dureza, Datu Andal Ampatuan Sr. at ang abogadong si Cynthia Guiani noong November 24.

Nilinaw naman ni Dilangalen na wala siyang narinig na usapang isusuko si Andal Jr. sa kustodiya ni dating Pangulong Arroyo. – Ces Oreña-Drilon, Patrol ng Pilipino