Students protest budget cut for state colleges

Posted at Sep 07 2011 09:42 PM | Updated as of Sep 08 2011 05:42 AM

Nakalbong budget para sa state universities and colleges ang nag-udyok sa mga kabataang ito na magpakalbo sa tapat ng Batasan Pambansa kanina.

Sagaran na raw kasi ang pagwawalang bahala ng gobyerno sa mga paaralang ito kaya napudpod na rin ang kalidad ng edukasyon sa kanilang mga pamantasan.

Sa panukalang budget ngayon, aabot sa P574 million ang bawas sa budget sa 51 state schools sa buong bansa.

Sinuyo rin ng mga estudyante ang mga mambabatas para ipaglaban ang mas mataas na budget.

Pinagsuot ng puting armband at pinapirma ng manifesto ang mga tutugon sa kanilang panawagan.

Ikinalungkot naman ni UP president Alfredo Pascual ang pagbagsak ng UP sa world rankings.

Mula sa puwestong 314 sa 2010 QS World University Rankings, nasa 332 na lang ang UP ngayon.

Epekto raw ito ng mababang budget na planong pang bawasan ulit ng P208 million sa 2012.

“Nakakahiya na ngang sabihin eh, 314th place. Now it’s 332nd place,” sabi ni Pascual.

Nanawagan naman ang ibang mambabatas na ibaling na lamang sa edukasyon at serbisyong medikal ang panakulang P19 billion na dagdag sa budget ng conditional cash transfer program o CCT.

“Ang higher education malaki ang kanyang tulong sa pag-unlad ng bansa. Tingin ko it is criminal neglect on the part of the government that we are reducing the subsidies for our higher education institutions,” sabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raymond Palatino.

Nakakasa na rin ang welga ng mga estudyante sa susunod na mga linggo bilang protesta sa budget cut ng kanilang mga pamantasan. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino