Cebu Pacific hit for refusing carriage to kidneys

Posted at Sep 02 2010 12:16 AM | Updated as of Sep 02 2010 08:16 AM

Inoobserbahan pa rin sa intensive care unit ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) si Joe Honrobio.

Ito'y matapos siyang mabigyan ng bagong kidney mula sa isang donor.

Pero ayon sa hepe ng Human Organ Preservation Effort ng NKTI, mas mabilis sana ang paggaling ni Honrobio kung maaga lamang dumating ang kanyang kidney donation.

Naantala ang pagdating ng kidney matapos hindi payagan ng Cebu Pacific na sumakay ang NKTI medical team na may bitbit nito noong Sabado sa airport sa Albay.

“Naantala ang paggana ng isinaling bato dahil sa katagalan magmula noong kinuha doon sa brain dead na pasyente hanggang nai-transplant,” ani Dr. Reynaldo Lesaca.

Hindi raw pinayagan ng piloto ng airline na si Captain Reuben Locson na makasakay ang medical team.

Ito'y kahit may pahintulot sila ng Department of Health (DOH).

Dahil sa nangyari, nag-land trip ang medical team. Ito ang naging dahilan kaya nalamog ang isang kidney at hindi na napakinabangan pa.

Ikinagalit ng mga kamag-anak ng ibang pasyente ng NKTI ang pangyayari dahil 800 ang nasa listahan ng NKTI na nangangailangan ng kidney.

Ayon naman sa Cebu Pacific sumusunod lamang ang kanilang piloto sa international standards sa pag-pakete ng mga organ donations kaya hindi nila ito pinayagang makasakay.

Handa naman daw silang makipagtulungan sa NKTI Para maiwasan  maulit ang pangyayari.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa kontrobersiya ang Cebu Pacific Air. Noong isang taon, nakatanggap ng reklamo ang airline matapos ayaw pasakayin ang dalawang special child dahil sa takot na manggulo sa loob eroplano.

Ayon sa NKTI sa pagkakataong ito, nais nilang panagutin ang airline dahil kalusugan ng dalawang tao ang nailagay sa alanganin. – Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino