Where was PNoy at height of hostage crisis?

Posted at Aug 31 2010 02:14 AM | Updated as of Aug 31 2010 12:52 PM

Gabi noong ika-23 ng Agosto habang kasagsagan ng hostage crisis.

Nandito si Pangulong Noynoy Aquino sa Emerald Restaurant, ilang metro lang sa Quirino grandstand.

Ayon kay Social Welfare Secretary Dinky Soliman, ito ang nagsilbing command post ng Pangulo.

“He was at Emerald Restaurant. That was their command post where Mayor Lim and he had a meeting. Again, we couldn't say this during hostage taking because security is important, so we were in different places. I was in Bayview [hotel] monitoring, waiting for a signal; we were all in the vicinity,” ani Soliman.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang Emerald Restaurant at kinumpirma ng manager na nandito nga ang Pangulong Aquino noong gabi ng hostage crisis.

Mga 7:30 ng gabi, dumating raw si Manila Mayor Alfredo Lim, sumunod ang ilang heneral kabilang si NCRPO chief Leocadio Santiago. Nandon din daw si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at Secretary Ricky Carandang ng Presidential Communications Group.

Mga 8:30 at 9 p.m., dumating raw si Pangulong Aquino.

Ayon sa manager ng Emerald, sinara ang pangalawang palapag ng restaurant. Humingi pa raw ng TV set ang pangulo para mamonitor ang insidente. May dala pa ngang antenna ang grupo. Nag-serve sila ng ordinaryong Chinese food tulad ng fried rice, prawns at noodles.

Pero hindi na rin nagtagal ang hostage crisis. Mga 8:50 pm, nauwi sa madugong pagtatapos ang insidente.

Nabaril na ng hostage taker na si Rolando Mendoza ang mga biktima. Nakapasok na ang SWAT sa bus at dalawang bangkay ang na-recober.

Nilinaw ni Soliman, nasa Emerald Restaurant ang Pangulo para makipag-meeting at ‘di para kumain tulad ng kumakalat sa mga text.

“He was not there to eat dinner, he was there to meet, he was there because it was a command post,” aniya.

Ayon pa kay Soliman, pinag-uusapan na rin ng Pangulo ang pagbibigay ng "solidarity offering" sa pamilya ng mga namatayan.

Civil indemnity sa pamilya ng mga namatayan. Isang "solidarity offering" dahil magbibigay ang Hong Kong ng mas malaking compensation sa mga biktima.

“It’s not compensation, it’s a solidarity offering… It's important to make them feel that we understand the gravity of the situation and that part of our show of solidarity is to offer them financial support,” ani'ya.

Maging ang Ramon Magsaysay awardee mula China, si Huo Daishan, sang-ayon sa pagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga biktima ng hostage taking.

Nilinaw ni DSWD Secretary Soliman na sakaling matuloy ang pagbibigay ng solidarity offering sa mga  pamilya ng biktima, hindi ito ikakalkula tulad ng pangkaraniwang compensation ng namatayan. 

Kamakailan, naglabas ng balita ang Hong Kong government na sila'y magbibigay ng tulong mula $300,000 hanggang $1 milyon sa pamilya ng biktima. Karen Davila, Patrol ng Pilipino