EXCL: Iggy Arroyo dismayed over bookkeeper treatment

Posted at Aug 25 2011 11:09 PM | Updated as of Aug 26 2011 07:09 AM

Habang ginigisa sa Senado ang dating LTA bookkeeper na si Rowena del Rosario sa Senate hearing tungkol sa maanomalyang bentahan ng helicopter sa PNP na dawit ang dating First Gentleman Mike Arroyo, ito naman ang eksena sa loob ng London clinic kung saan nagpapagamot sa sakit sa atay si Congressman Iggy Arroyo.

Ang dating LTA bookkeeper ang sumagot sa mga tanong na dapat sana ay para sa kongresista, at pinaaresto pa.

Kaya di napigilan ni Arroyo na magbulalas ng sama ng loob.

“Siyempre masama ang loob because matagal ko na ring kilala si Weng. She has been in the company for so long, parang pamilya na siya e,” sabi ni Arroyo.

Hindi na raw siya sasagot sa anumang ipukol sa kanya at sa pamilya hangga’t di pa mabuti ang kalusugan niya.

Pero may huling buwelta pa rin siya kay Ping Lacson.

“If you tell a lie long enough it becomes the truth. So huwag na lang nating pakinggan ang mga istorya ni Ping. Ilaban na lang natin sa korte,” sabi ni Arroyo.

Pinagpayuhan na ng doktor si Arroyo na umiwas sa stress kaya malabo raw na lumipad siya ng Pilipinas para sa susunod sa hearing sa Huwebes.

Di pa rin tapos ang gamutan kaya 'di pa siya makakauwi. Rose Eclarinal, Europe News Bureau, London