Koko to take oath in Davao Oriental

Posted at Aug 08 2011 10:20 PM | Updated as of Aug 09 2011 06:20 AM

Itong darating na Huwebes, Agosto 11, ang pinakahihintay na araw ni Atty. Koko Pimentel.

Sa araw na ito magpupulong ang Senate Electoral Tribunal (SET) para desisyunan kung ipoproklama nilang nanalo si Pimentel matapos ang 4 na taong recount.

Nang i-withdraw ng nag-resign na si Senador Juan Miguel Zubiri ang kanyang counter-protest, itinigil na rin ng SET ang recount.

“He will be proclaimed in that decision. The tribunal will already declare him as the winning candidate,” sabi ni Atty. Irene Guevarra, secretary general ng SET.

Pinakamaagang puwedeng mag-oathtaking si Pimentel ay sa Huwebes ng hapon, sa oras mismo na maaprubahan ng tribunal ang deklarasyon.

Kaya't sa Biyernes inihahanda na nila ang isang oathtaking ceremony na gagawin sa Mati, Davao Oriental.

Nag-number 2 kasi rito sa bilangan si Pimentel kahit na hindi niya ito napuntahan para mangampanya.

“May bilang na kami roon na 257,000 votes. Wala naman na sanang balakid,” sabi ni Atty. Donna Camitan, abogado ni Pimentel.

Ayon naman kay Zubiri, handa siyang tulungan ang papalit sa kanyang senador.

“I will support him for whatever programs he has to Mindanao,” sabi ni Zubiri.

Ayon sa kampo ni Pimentel, malaking bagay ang pagwi-withdraw ng counter protest ni Zubiri dahil kung hindi ay nagbibilangan pa ulit ngayon at malaki ang posibilidad na hindi na makaupo si Pimentel hanggang 2013. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino