Cops in ER switching apologize to FPJ widow

Posted at Jul 29 2011 09:21 PM | Updated as of Jul 30 2011 05:21 AM

Humarap na sa media ang grupo ni dating Special Action Force-National Capitol Region Intelligence Chief Senior Superintendent Rafael Santiago na umaming sangkot sa umano’y election return switching sa Batasan Pambansa noong 2005 para palitan ng peke ang mga orihinal na ERs noong 2004 presidential elections.

Bitbit ni Santiago ang mga kapwa pulis na nakasama sa umano’y operasyon.

Ito'y sina Rudy Gahar, Allan Layugan, Trifon Laxamana, Norman Duco at Rodel Tabangin.

Paglilinaw nila, tapos na ang bilangan ng pumasok sila sa eksena.

“We were not in any way a party to the scheme of cheating during the 2004 elections. We were just made to provide access and security to those who operated in order to cover up their trail,” sabi ni Santiago.

Kinukumpleto pa ang kanilang sinumpaang salaysay pero isinumite na nila kay Justice Secretary Leila de Lima ang 38 original ERs na nagawa nilang ibulsa bilang ebidensya.

Hindi naman direktang maiugnay ni Santiago si dating First Gentleman Mike Arroyo na nauna nang pinangalanang umano'y nagpondo sa operasyon.

“I do not have any knowledge but we hear that from a certain person whom later, maybe, through the effort of the DOJ, we will establish that,” sabi ni Santiago.

Samantala, humingi ng paumanhin sina Santiago, lalo na kay Susan Roces, biyuda ng yumaong si Fernando Poe Jr.

“We would like to extend our apology to the Philippine nation, especially to Madame Susan Roces for the error and at this point, we are trying to rectify,” sabi ni Santiago.

May buwelta rin sila sa kampo ng mga Arroyo na nagsabing lumang tugtugin at “recycled” ang kanilang rebelasyon.

“Of course it’s an old story because it has been done 6 years ago. Wala namang bahong hindi lumalabas,” sabi ni Santiago.

Ayon naman kay de Lima, malaki ang posibilidad na matanggap bilang state witness sina Santiago.

“It is very strong but we will evaluate the sworn statements once they are submitted to us,” sabi ni de Lima.

Ito ang hamon ngayon sa DOJ at Comelec na sabay na mag-iimbestiga sa dayaan sa halalan: Salaing mabuti ang mga lumilitaw na testigo at ebidensya nang hindi masayang ang panibagong tangkang matahimik na ang 7-taon nang nagmulmultong isyu na ito. Ina Reformina, Patrol ng Pilipino