‘2004 poll fraud an old issue‘

Posted at Jul 28 2011 11:00 PM | Updated as of Jul 29 2011 07:00 AM

Ipinagtaka  ni dating Pangulong Gloria Arroyo kung bakit nabuhay ang 2005 expose ng diumano'y pagpapalit ng election returns (ER) noong 2005 sa Batasan para tiyaking siya pa rin ang panalo sa 2004 elections kung may recount.

Ayon sa kanyang legal spokesman na si Raul Lambino, ibinalita niya kay Arroyo ang issue kahit naghahanda ito sa operasyon niya sa pinched nerve bukas.

Ayon kay Lambino, luma na ang isyu.

“Ang tagal ng istoryang 'yan. Nagkaroon na nga ng investigation ang Congress noon if I remember it. Ang alam ko rin mayroon,” sabi ni Lambino.

Sabi ni dating First Gentleman Mike Arroyo, bahagi ang isyu ng ER switching sa panggigipit sa kanilang pamilya.

Hindi raw niya kilala ang mga taong nagkakalat ng kasinungalingang ito.

Dagdag pa ng dating Unang Ginoo, ginagamit lang sila ng administrasyong Aquino para pagtakpan ang kahinaan nila.

Tumanggi namang mag-komento si Zambales Governor at noo'y Philippine National Police Chief Hermogenes Ebdane na idinadawit din sa anomalya.

Aminado siyang tauhan niya noon ang lumutang na whistle blower na si Senior Superintendent Rafael Santiago pero saka na raw niya sasagutin ang mga alegasyon.

“This will eventually become a legal issue. With that, I cannot even provide you answers,” sabi ni Ebdane.

Ayon naman kay dating House Speaker Jose de Venecia, pinaimbestigahan niya kay House Sergeant at Arms Bayani Fabic ang insidente noong una itong mabalita.

“According to General Fabic when I talked to him this morning there was none,” sabi ni de Venecia.

Pinaiimbestigahan na ngayon ni House Speaker Sonny Belmonte ang insidente. RG Cruz, Patrol ng Pilipino