Filipinos listen to Aquino’s 2nd SONA

Posted at Jul 25 2011 11:32 PM | Updated as of Jul 26 2011 07:32 AM

Tuwing may State of the Nation Address (SONA) naglalabas ng TV dito sa basketball court ng Payatas A sa Quezon City para sama-samang manood ang mga residente rito at magpalitan ng kuru-kuro.

Nang magsimula na ang SONA at sinimulan ni PNoy ang kanyang mga nagawa, umpisa na rin sa palitan ng reaksyon ang mga taga-rito lalo na sa parteng ipinagmalaki ni PNoy na nasugpo ang mga gumagamit ng wang-wang at nabawasan ang mga nagugutom.

“Feeling ko hindi talaga nababawasan. Hindi talaga nabibigyan ng atensyon eh kasi puro lang katiwalian ang tinututukan niya,” sabi ng isang manonood.

“Huwag natin munang husgahan siya. Bigyan natin siya ng pagkakataon kasi napakaigsi pa lang ng panahon niya,” sabi ng isa pang manonood.

Pati ang ilang beses na pag-ubo ni PNoy ay pinuna rin nila.

“Itigil na niya ang paninigarilyo dahil nakikita na ngayon ang ebidensya sa SONA,” sabi naman ng isang manonood.

Sa natitirang 5 taon pa sa tungkulin ni PNoy, marami pa silang gustong gawin ang Pangulo.

“Bilang Pangulo, bigyan niya rin ng pansin ang mga manggagawa na lalong kailangan ng trabaho,” sabi ng isang manonood.

Pero si Aling Rosalinda iba naman ang paniniwala.

“Kumikilos din dapat ang bawat pamilya. Huwag natin iasa lahat sa Presidente,” sabi niya.

Pero isang bagay naman daw na ikinatutuwa nila sa panonood ng SONA.

Ito ay ang paggamit ni PNoy ng wikang Tagalog o Filipino sa kanyang mensahe na madali nilang naunawaan.

Pero tila nabuhay ulit sila nang banggitin ni PNoy na personal sa kanya ang paghahabol sa katiwalian. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino