Roque fears Zaldy could be placed under WPP

Posted at Jul 20 2011 10:25 PM | Updated as of Jul 21 2011 06:25 AM

Tiniyak na ni Pangulong Aquino na hindi gagawing state witness sa Maguindanao massacre ang suspek at dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan.

Pero hindi pa rin mapanatag si Atty. Harry Roque Jr., abogado ng mga biktima.

Kumbinsido kasi si Roque na baka maging testigo pa rin ng gobyerno si Ampatuan sa kaso naman ng dayaan sa halalan noong 2004 at 2007.

“Ang basa ko rito, kapag binigyan nila o ipinasok nila itong si Zaldy sa Witness Protection Program para sa krimeng election sabotage, wala na rin siyang kulong doon sa massacre sabihin na nating mapatunayang nagkasala siya dahil nga nakasaad doon sa batas,” sabi ni Roque.

Base sa Section 8 ng Witness Protection Law, kapag ipinasok ang isang testigo sa programa ay hindi na siya maaaring ilabas hangga't hindi nawawala ang anumang banta sa kanyang seguridad.

Napatunayan daw ito ni Roque sa kaso ng pinaslang na mediaman at environmental activist Gerry Ortega kung saan hindi ibinigay ng Witness Protection Program (WPP) ang state witness na si Rodolfo Edrad alyas “Boomar” kahit pa wanted siya sa ibang kaso.

Ayon pa sa batas, bibigyan ng ligtas na pabahay, guwardiya at allowance ang nasa WPP.

Bagama’t sa kaso raw ni Zaldy Ampatuan: “Puwede siya magbigay ng kanyang sariling housing sa isa sa napakarami nilang mansyon at mayroon pang allowance galing sa gobyerno habang siya’y nabubuhay, habang hindi tumitigil ang diumano’y banta sa buhay niya.”

Una nang inamin ng Malacañang na pinag-aaralan kung puwedeng tumestigo si Ampatuan sa isyu ng dayaan para naman idiin si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

“Ang nais naming marinig sa Presidente ay hindi po papapasukin sa Witness Protection Program si Zaldy, full stop,” sabi ni Roque.

Nadismaya naman ang mga biktima sa pagpapalabas kay Zaldy Ampatuan sa kulungan para magpatingin sa doktor.

Pero titiyakin daw nila na hanggang check-up lang si Zaldy at hindi mauwi sa hospital arrest. Lynda Jumilla, Patrol ng Pilipino