PNoy sells his Porsche

Posted at Jul 05 2011 10:58 PM | Updated as of Jul 06 2011 12:28 PM

Wala na sa piling ni President Noynoy Aquino ang luxury sports car na binili niya noong Enero.

Ibinenta na niya ang Porsche dahil delikado raw ito sa kanyang seguridad.

Nahihirapan din ang Presidential Security Group sa pagbabantay sa kanya.

“Masyado na rin niyo na-expose. Parang it was an advertisement na ‘Uy, nandito ako,’” sabi ni Aquino.

Dahil dito hindi na niya ginagamit ang Porsche.

Naluluma lang ito sa garahe kaya mas mabuti pa na ibenta na lang niya.

“It was relegated to the garage, it will deteriorate if it’s not used, it’s true to let somebody else have the experience also,” sabi ni Aquino.

Noong Enero binili ni PNoy ang Porsche sa halagang P4.5 million.

Ibinenta rin niya ito sa parehong halaga.

Ang dahilan niya noon kaya niya binili ang sasakyan ay bilang libangan.   

Hati pa rin ang publiko sa pagbenta ng sasakyan ng Pangulo.

“At least hindi masasabing luxurious ang kanyang landasin dito sa bayan. Ang isang gusto kong gawin niya ay tanggalin ang paninigarilyo,” sabi ng isang mamamayan.

“Bakit niya ibinenta eh pera naman niya iyon?” sabi naman ng isa pang mamamayan.

Matatandaang bumaba ang net satisfaction rating ni PNoy noong Marso ng 13 points sa SWS survey.

Kinumpirma ng SWS na nakaapekto rito ang Porsche ni PNoy.

Ngayong nabenta na ang Porsche, umaasa ang Pangulo na ito na ang huling beses na mapag-uusapan ito. Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino