PNoy yet to take action on 81 promises

Posted at Jun 28 2011 10:22 PM | Updated as of Jun 30 2011 04:53 AM

Kasabay ng pag-iisang taon ng administrasyong Aquino, makukumpleto na ang paanakang ito sa bayan ng Sto. Domingo, Albay.

Lubha itong kailangan, sa ganitong bayan na may mga lugar na walang kalsada kaya't nagbabahay-bahay na lang ang mga health worker para ma-check-up ang mga buntis o maysakit.

“Kasi sa area, kapag may volcanic eruption, cut off na ang isang road diyan going to city. So, kung wala kami niyan, mahirap magpadala ng patient and iniiwasan din namin ngayon ‘yung mga home deliveries, sabi ni Dr. Edna Tan.
   
Sa buong bansa, halos umabot sa 150 ang namamatay kada taon dahil sa panganganak.

At ayon sa DOH, ang mortality rate ang tinarget ng pangulo dahil ito ay isa sa sukatan sa pag-unlad ng public health system ng isang lipunan.

“Kung maibaba mo ‘yung number of mothers dying from complications of delivery, ang ibig sabihin noon, na-improve mo din ang other facilities mo, na-improve mo din ang number of your doctors, ibig sabihin, ang buong health care system na-improve mo,” sabi ni Dr. Enrique Ona, secretary ng Department of Health.

Ang problema, nang suriin ng abs-cbnnews.com, kasama ang sektor ng kalusugan sa 81 pangako na hindi pa nasimulan sa unang taon ng Aquino administration.

Wala ang health sector sa 17 na pangako na ngayo'y umuusad na at kasalukuyang binibigyan ng katuparan.

Tulad ng pagtatalaga ng Ombudsman at pag-aayos ng burukrasya, pagpapahusay ng edukasyon, sitwasyon sa Mindanao, kasama ang pagsusulong ng kaso sa Ampatuan massacre, pagpapalakas ng negosyo, turismo at pagre-rebisa ng VFA.

Problema pa ng adminstrasyong Aquino, apat na malalaking pangako ang nakaranas ng matinding dagok tulad ng pagtiyak sa integridad ng halalan sa ARMM, pamamahagi ng yaman ng Hacienda Luisita sa mga benepisyaryo, hindi pagpapatupad ng bagong buwis at ang pagbubuo ng Truth Commission na mag-iimbestiga sa mga umano'y krimen na nagawa ng nagdaang administrasyon.

Ito ang unang grading period ng Pangulo, at kung maganda o pangit ang resulta, depende kung sino ang babasa.

Ang importante, malaman nating lahat ang mga leksyon mula sa kahinaan o pagkakamali ng administrasyon.

At itanong din sa sarili ng bawat Pilipino, kung ano ba ang naitulong natin o naging pabigat ba tayo sa ating bansa. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino