Bishop condemns same sex marriage in Baguio

Posted at Jun 28 2011 10:39 PM | Updated as of Jun 29 2011 01:13 PM

Nakiisa sa parada at pagdiriwang ng lesbian, gay, bisexual, transgender groups o LGBT pride month ang ilang miyembro ng Metropolitan Community Church o MCC.
 
Sila ang grupong nagdaos ng same sex marriage noong Sabado sa Baguio City. Binatikos ni Bishop Teodoro Bacani ang ginanap na same sex marriage sa Baguio.

“Sorry na lang pero napapangitan ako talaga, para sa akin 'kadiri,” sabi ni Bacani.

Hirit naman ni Reverend Ceejay Agbayani, miyembro ng MCC, hindi sila dapat pakialaman ng mga obispo dahil hindi naman sila Katoliko.

"Wala namang nakakadiri sa pagmamahal. Ang nakakadiri ay ‘yung panghuhusga  ng mga obispo sa mga taong nagmamahalan,” sabi ni Agbayani.

Pero para kay Bacani, dapat kasuhan ang pastor na nagsagawa ng seremonya dahil iligal ito at wala raw marriage license ang mga nagpakasal.

Dapat din daw masuspinde ang lisensya ng mga pastor na nagkakasal.

Pero nanindigan si Agbayani: Wala silang nilalabag na batas.

“Hindi naman siya iligal, wala kaming nilalabag na batas,” sabi ni Agbayani.

Kung si Bacani ang tatanungin, gusto niyang i-boycott ng publiko ang same sex marriage ceremonies na ginagawa ng MCC.

“It’s not right for people to participate on moral grounds,” sabi ni Bacani.

Isang konsehal ng Baguio City ang nagpanukala na imbestigahan ang naganap na same sex marriage sa lungsod.

Ang resulta raw nito ang magiging basehan kung dapat silang ideklara na persona non grata ng Baguio City. Sheryll Mundo, Patrol ng Pilipino