Corruption fears raised in fighter jet deal

Posted at Jun 20 2012 11:54 PM | Updated as of Jun 21 2012 07:54 AM

Ganito ang fighter jet na bibilhin ng pamahalaan upang palakasin ang Philippine Airforce.

T-50 surface attack aircraft, lead-in fighter na gawang Korean na ang bawat isa'y nagkakahalaga ng P1.25 bilyon, o P15 bilyon para sa isang dosena.

Ayon sa Department of National Defense, posibleng mapirmahan na ang kontrata sa taong ito at masimulan na ang pag-deliver ng fighter jet sa 2013.

Mabilis ang proseso dahil hindi na dadaan sa public bidding.

“Almost all the big projects [are] government to government,” sabi ni Sec. Voltaire Gazmin ng Department of National Defense.

Hindi rin idadaan sa bidding ang pagbili ng iba pang military hardware ng Airforce, kabilang ang 41 pang support aircrafts mula sa iba’t ibang bansa na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.

Pero nangangamba ang isang kongresista. “Nagbubukas ‘yan ng malaking puwang para sa kick-backs, sa korupsyon, na usually nasasangkot ang isang proyektong hindi dumadaan sa public bidding,” sabi ni Rep. Teddy Casino ng Bayan Muna.

Ayon sa isang military analyst, hindi dapat mag-apura sa pagpasok sa kontrata.

“Huwag naman tayo magmadaling bumili tapos meron pala diyan na mas mura. Hindi naman sa mas mura lang, kundi, peraho rin ang capability,” sabi ni Prof. Clarita Carlos.

Pero tiniyak ng DND, mas makabubuti ang ganitong transaksyon.

Ngunit ang isang mahalagang tanong, saan kukunin ang pambili ng military hardware at ng mamahaling fighter jets ng pamahalaan? Mula ba sa pondo sa pagbaka sa kahirapan at baka kunin pa sa bibig ng naghihirap na mamamayan?

Sabi nina Casino at Carlos, baka masagasaan pati ang sektor ng edukasyon at iba pang serbisyong pambayan dahil sa malaking pondo sa militar.

“’Pag hinugot mo ‘yan sa isang parte, binigyan mo siya sa defnense strategy mo, huhugutin mo siya from somewhere,” ani Carlos.

“Do we really need 12 fighter jets sa kalagayang ang pinaka-malaking problema ng Pilipinas ay ang kahirapan,” sabi naman ni Casino.

Tiniyak naman ni Budget Secretary Florencio Abad na hindi apektado ang pondo para sa ibang programa ng gobyerno.

Sabi naman ni Gazmin, naghahabol lamang ngayon ang pamahalaan mula sa AFP modernization na napabayaan. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino