Activists protest as China's big ship patrols Spratlys

Posted at Jun 16 2011 09:39 PM | Updated as of Jun 17 2011 05:39 AM

Suot ang mga maskara ng bida sa pelikulang “Kung Fu Panda,” sumugod ang mga militante sa harap ng Chinese Consular Office kaninang  umaga.

Simbolo raw ito ng pakikipaglaban sa mga bully gaya ng China na sinisindak ang Pilipinas sa isyu ng Spratlys. 

“Naniniwala kami na mareresolba lamang ito sa pamamagitan ng diplomatiko at mga pulitikal na pamamaraan. Walang puwang dito ang pagpupusturang militar,” sabi ni Emman Hizon ng Akbayan.

Ito'y sa gitna ng ulat mula sa mga opisyal na pahayagan ng China na nagpadala ang China ng isa sa mga pinakamalaki nilang civilian maritime patrol ship -- ang Haixun 31 -- para mag-patrol sa South China Sea kung saan dadaan ito ng Paracel at Spratly island groups patungong Singapore.

Sa pagpapadala ng China ng Haixun 31, layunin nito na i-monitor ang mga shipping lanes, i-survey at inspeksyunin ang oil wells para sa underwater reserves at protektahan ang kanilang maritime security.

Nagpahayag naman ng pangamba si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na nasa Australia ngayon.

Para kay Defense Secretary Voltaire Gazmin naman, walang dapat ikatakot ang Pilipinas.

Kailangan pa raw muna nila ng kumpirmasyon kahit mismong opisyal na mga pahayagan na ng China ang nag-anunsiyo.

“We have to validate that. What kind of ships are these, battle ship or survey maritime ships,” tanong ni Gazmin.

Kung sakali mang makumpirma, nasa kamay ng Department of Foreign Affairs ang susunod na hakbang.

“We’ll have to file again our protest. We still invoke the UNCLOS,” sabi ni Gazmin.

Para naman kay Bayan Muna Representative Teddy Casiño, dapat imbestigahan na ng Kongreso ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas at tama lang na resolbahin ito base sa 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino