Number of CJ nominees now at 18

Posted at Jun 15 2012 12:02 AM | Updated as of Jun 15 2012 01:19 PM

Nadagdag ang pangalan ni dating Solicitor General Atty. Frank Chavez sa mga nominadong maging chief justice.

Sabi ni Chavez, hindi niya alam na nominado siya.

“It's both elating and humbling that there are some people who believe I am qualified,” ani Chavez.

Pero ayon kay Senador Chiz Escudero, na miyembro ng Judicial and Bar Council, kung mas bata ang nominado, maaring maging sagabal ito sa pagkuha ng appointment.

Singkwenta'y uno anyos si Commissioner Kim Henares, 52 naman si Secretary Leila de Lima, malayo sa 70 years old na retirement age ng hudikatura.

“Halimbawa, ka-edad ko, 42 anyos, isipin mo kulang-kulang, tatlong dekada uupo ‘yun doon. Twenty-eight years bago mag-70, maliban na lamang kung mamamatay, magkakasakit o mai-impeach,” sabi ni Escudero.

Kaya puwede na bang sabihing nakakalamang ang isa pang nominadong si Atty. Teddy Boy Locsin?

Para kay Secretary de Lima, mas nakakalamang pa rin ang limang senior associate justice na awtomatikong nominado, bagama't wala pa namang report kung tinanggap na ng lima ang nominasyon.

“Kasi andyan na sila, alam na nila ‘yung kalakaran, alam na nila ang mga ginagawa ng isang justice,” sabi ni de Lima.

Sabi ng dating miyembro ng JBC na si Senador Kiko Pangilinan, tradisyunal na Supreme Court insider at hindi babae ang nagiging chief justice. Pero para sa kanya'y mahirap hulaan kung anong klaseng chief justice ang pipiliin ng Pangulong Noynoy Aquino. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino