ABS-CBN News

Abalos allowed to post bail for poll sabotage case in Pasay

Posted at | Updated as of 06/07/12 6:08 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Pagdating pa lang ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos sa Pasay Regional Trial Court kanina, kumpiyansa na siyang ibibigay ng korte ang hiling nilang makapagpiyansa.

Natupad nga ang kanilang hiling matapos iutos ni Judge Eugenio dela Cruz ang piyansang P200,000 sa bawat count ng electoral sabotage na isinampa ng Department of Justice (DOJ) at Comelec laban sa kanya.

Labing-isang counts ito kaya’t umabot sa P2.2 milyon ang piyansa ni Abalos.

"I’m happy na finally napakinggan tayo. Bagama’t mabigat, nevertheless maghahagilap tayo," sabi ni Abalos.

Kasabay ng piyansa, naglabas naman ng hold departure order ang korte laban kay Abalos.

Napagbigyan ang piyansa dahil hindi nakapagharap ng mga testigo ang DOJ at Comelec para mapigil ito.

Pero matapos ang pagdinig, ibinalik din si Abalos sa piitan nito sa Southern Police District Headquarters sa Taguig.

May isa pa kasing kaso ng electoral sabotage sa sala naman ni Judge Jesus Mupas ng Branch 112.

Dalawang counts ang nakahain dito at wala pang desisyon sa piyansa kaya hindi pa makakalaya si Abalos.

Nakikiusap siya sa korte na payagan din siyang makapagpiyansa dahil sa kanyang edad na 77.

Boluntaryo rin naman daw siyang sumuko noon at hindi naman daw siya aalis ng bansa para tumakas.

Bukas posibleng dinggin at madesisyunan na ng Branch 112 ang petition for bail ni Abalos.

Kung sakaling payagan ng korte, makakalaya na si Abalos bukas o sa susunod na araw. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino