ABS-CBN News

DepEd rolls out new grading system

Posted at | Updated as of 06/06/12 6:37 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Walang tigil sa kakapaypay ang mga estudyante pati ang mga titser. Napakainit kasi ng kanilang mga classroom na itinayo sa isang function room ng isang simbahan.

Dikit-dikit din ang mga estudyante, ang iba sa sahig pa nakaupo. Tabi-tabi ring nagtuturo ang mga guro. Nasunog kasi ang kanilang eskuwelahan nang may bumagsak na eroplano malapit dito noong Disyembre.

Nasa 3,500 estudyante ang nagpapalitan sa tatlong shift maghapon, kaya napakahirap daw sa mga guro na makuha ang atensyon ng mga bata.

"Kailangan 'pag nagsasalita ka, marinig nila lahat, naka-focus sila lahat, kasi magkakatabi-tabi kami,” ani Arlene de Pedro, isang guro.

Pero ginagawa na ang kanilang bagong eskuwelahan at makakalipat na raw sila sa Agosto.

Ayon sa DepEd, bago na rin ang grading system ng mga nasa Grade 1 at first year high school.

Kung dati 70-100, ngayon, mga letra na ang makikita sa report card.

Grade “A” o “Advanced” kung 90% pataas, grade “P” o “Proficient” mula 85% hanggang 89%, grade “AP” o “Approaching Proficient” mula 80% hanggang 84%, grade “D” o “Developing” mula 75% hanggang 79%, at grade “B” kung 74% o mas mababa.

"Malalaman ng magulang at ng mga susunod na eskuwelahan kung ano ba ‘yung level of proficiency ng bata. Mas descriptive siya,” sabi ni Kenneth Tirado, tagapagsalita ng DepEd.

Ayon sa isang master teacher, mas malinaw nga ang grado, pero maaring mawala ang competitiveness ng bata dahil halos magkakapare-pareho ang grade.

"Nakakalito pero meron din kaming nilalagay na... suggestion namin sa aming mga teachers, ilagay pa rin ang numerical [value],” sabi ni Nelita Belena, isang master teacher.

Nilinaw naman ng DepEd na number grades pa rin ang gagamitin sa mga exam at test papers, at sa report card lang makikita ang letter grades. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino