K to 12 starts amid shortages

Posted at Jun 04 2012 10:27 PM | Updated as of Jun 05 2012 06:27 AM

Wala na ngang makakapigil pa sa pag-arangkada ng K to 12 kung saan magiging anim na taon na ang pag-aaral sa high school.

Ngayong school year ang unang taon na gagamitin ang bagong K to 12 curriculum sa grades 1 at 7.

Maaga pa ay nag-inspeksyon na ng mga paaralan si Education Secretary Armin Luistro.

Una niyang binisita ang Ilugin Elementary School kung saan nasolusyunan ang problema ng pagsisikip sa mga classroom sa pamamagitan ng building na ipinagawa ng lokal na pamahalaan.

“Kapag lahat tayo nagtutulungan, national government, local government, mga magulang, si kapitana at lahat ng ating mga kasama rito, madaling masolusyunan eh,” sabi ni Luistro.

Sabi ng Department of Education (DepEd), malaki ang papel ng mga lokal na pamahalaan at mga pribadong kumpanya para malutas ang mga problema ng kakulangan sa classrooms, guro at mga banyo at sanitation facilities.

Sa tala ng DepEd, nasa 132,564 pa rin ang kulang na guro samantalang 48,802 naman ang kulang na classrooms.

Mahigit 106,000 ang kulang na mga banyo at sanitation facilities.

Zero shortage naman diumano sa mga textbook at upuan.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers o ACT, kailangang resolbahin muna ng DepEd ang mga problema sa mga kakulangang ito bago ipatupad ang K to 12.

Bukod dito, magdudulot din ito ng kalituhan sa mga guro dahil hindi pa tapos ang mga modules at instructional materials para sa K to 12 system.

“Nagmamadali ang DepEd na i-implement ang K to 12 kaya tingin namin magiging hilaw. Later on kapag mababa na naman ang performance ng mga bata, ang mga teachers na sinisisi,” sabi ni France Castro ng ACT.

Katwiran naman ni Luistro, work in progress ang K to12 at hindi makikita ang mga kahinaan nito kung hindi ito uumpisahan na.

Tiniyak din ng DepEd na may solusyon na ang lahat ng kakulangan sa public education system pagdating ng 2016 hanggang 2018 kapag nagkakaroon na ng grade 11 at 12 na siyang mga karagdagang taon para mabuo ang anim na taon sa high school.

“Mayroon tayong mga ginagawa sa buhay na hindi talaga matatapos hangga’t hindi umpisahan. Para iyang babae na manganganak. May learning na nangyayari as you do the experience,” sabi ni Luistro.

Samantala, nakatanggap ng mga tawag ang DepEd Operations Center kanina mula sa mga magulang na nagtatanong ukol sa K to 12.

Bukod pa rito ang mga reklamo ng transferees mula sa private school na ayaw tanggapin sa ilang public school.