EXCL: Midas Marquez not resigning from SC

Posted at Jun 04 2012 10:02 PM | Updated as of Jun 05 2012 02:13 PM

Inabutan pa ng ABS-CBN News si Atty. Midas Marquez na nag-i-empake sa kanyang opisina. Matapos kasing mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona, pinalitan si Marquez bilang tagapagsalita ng Korte Suprema. Pero tiniyak ni Marquez, 'di siya magre-resign bilang court administrator kahit pa may mga humihiling nito dahil sa kanyang pagdepensa kay Corona noong impeachment.

“Wala naman akong nakitang rason na magbitiw,” sabi ni Marquez.

Hindi umano tulad ng pagiging Supreme Court spokesperson, hindi co-terminus ng chief justice ang pagiging court administrator, kung saan itinalaga siya noong hindi pa punong mahistrado si Corona.

Ani Marquez, “Ang nagtatalaga diyan ay court en banc. Iyan ay may security of tenure until you reach the age of 65.”

Aminado si Marquez na dinamdam niya ang desisyon ng impeachment court na hatulan ng “guilty” si Corona. Pero iginagalang daw niya ang hatol.

“Nakakalungkot iyon dahil napalapit ka na sa tao. Tayong lahat naman, mayroon tayong mga damdamin, mararamdaman din natin iyan. Ang ipinaglalaban natin ay judicial independence,” aniya.

Batid din daw niya ang iringan sa pagitan nina Corona at ni acting Chief Justice Antonio Carpio bago pa ang impeachment. Pero kahit kilalang malapit siya kay Corona, hindi raw siya nakikisali sa isyu nito kay Carpio.

Ayon kay Marquez, “I’ve always been very professional with my work. Kung halimbawa, kung hindi magiging maganda ang relationship at maaapektuhan na iyong serbisyo, then that may be the time to think things over.”

Sa ngayon, full time daw ang kaniyang pagtutok sa paglilinis sa mga hukom na inirereklamo ng katiwalian. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino