EXCL: PNoy weighing effect of putting De Lima, Henares in CJ post

Posted at Jun 01 2012 11:40 PM | Updated as of Jun 02 2012 10:32 AM

Maalam sa batas at respetado. Ilan lang ito sa mga katangian na hinahanap ng pangulo sa magiging susunod na chief justice. Posible rin daw na isang outsider ang kanyang itatalaga.

Sa katatapos lang na one-on-one interview ng Pangulong Aquino kay kasamang Ted Failon, sinabi ng pangulo na puwedeng manggaling sa loob, puwede ring manggaling sa labas ang pipiliin niyang magiging susunod na punong mahistrado.

Tradisyon para sa isang pangulo na italaga ang pinaka-senior o pinakamatagal nang nakaupong mahistrado sa Korte Suprema para maging punong mahistrado. Sa pagkakataong ito, ito'y si Senior Associate Justice Antonio Carpio.

Outsider man o hindi, mahalaga raw ay mahusay ito,  ginagalang, at maayos na mapapatakbo ang korte. Bagama't kailangan pa ring mamili ang pangulo mula sa listahan na isusumite ng Judicial and Bar Council.

Tinanong naman ni kasamang Ted sa pangulo kung posible ba niyang italaga bilang chief justice si Justice Secretary Leila de Lima o si BIR Commissioner Kim Henares.

Sagot ng pangulo, pag-aaralan muna niya kung makabubuti ba na pakawalan ang isa sa kanila at palipatin sa hudikatura.

“Qualified siya (de Lima). Kung ako, personal, siyempre titingnan ko ‘yung national interest. Pero sa personal na interes ko, sabi nga nila, sa administrasyon ko, dalawa ang kinatatakutan: si Leila de Lima at Kim Henares. Iwe-weigh natin kung sulit ba ‘yung gain doon sa loss na mangyayari,” sabi ni Aquino.

Hindi naman makikialam ang pangulo sa mga kaso laban kay Corona sa kabila ng panawagan ni Senador Jinggoy Estrada na huwag nang kasuhan pa si Corona kasunod ng pagkakatanggal nito sa puwesto.

Ayaw daw niyang pangunahan ang ombudsman at ang mga mag-iimbestiga. Mahalaga raw na maging parehas ang pagtrato sa mga nagkasala, maliit man o makapangyarihan. Dapat manaig pa rin ang katarungan.

"Ang sa akin, pangangalagaan naming ang karapatan niya, ibibigay sa kanya ang lahat ng naaayon sa proseso. Sa dulo, kung napatunayang nagkasala siya doon sa mga korte, malamang sa Sandigang Bayan atsaka sa ombudsman, eh kailangan naman sigurong may kabayaran doon sa kasalanan sa bayan,” ani Aquino.

Tanong ni Ted: “Dapat daw ho kayo na ang magpakumbaba, kayo na ang mag-offer ng healing hands sa lahat ng mga tao na nasaktan during the trial.”

“Hindi natin binalak na manakit, pero may obligasyon kami, may katarungan. Ang sinasabi ko lang dito, from the start, hindi ka namin pinepersonal,” sagot ni Aquino.

Maiba naman tayo, ayon sa pangulo, posible silang magkita ni “American Idol” runner-up Jessica Sanchez sa pagbisita ng pangulo sa Los Angles sa susunod na linggo.