Catholic Church to obstruct divorce bill in PH

Posted at May 31 2011 11:24 PM | Updated as of Jun 01 2011 10:06 AM

Sampung taon nang hiwalay sa asawa at solong nagpapalaki ng anak si Sarah.

Isa siya sa nag-aabang sa pagpasa ng divorce bill sa pag-asang ligal nang mapalaya sa kasal nila ng dating asawa.

Ngayon pa lang, nagbabadyang dumaan sa butas ng karayom ang divorce bill.

Nagpahayag na kasi ng pagtutol ang Simbahang Katolika na naniniwalang pahihinain ng panukala ang institusyon ng pamilya sa bansa.

"Sa halip na padaliin na easy way out. 'Di tayo magkasundo? Sige, hiwalay na tayo,'" sabi ni Melvin Castro ng CBCP Episcopal Commission on Family and Life.
   
Hindi na ikinagulat ni Gabriela party-list Representative Luzviminda Ilagan ang pahayag ng Simbahan.

Iginiit niyang mahigpit ang mga batayang inilagay nila sa panukalang batas bago makapag-diborsyo ang mag-asawa.

Kailangan munang limang taong legally separated ang mag-asawang magfi-file ng divorce.

Dapat ding pumasa sa grounds ng legal separation at annulment ang madidiborsyo gaya ng pagkakaroon ng psychological incapacity at pambubugbog.

"Ito'y tugon sa matagal nang hinihingi ng mga mag-asawa na gusto nang magka-move on at mga babae na nasa relasyon nga, pero hindi nakabubuti sa kanilang sarili," ani Luzviminda Ilagan ng Gabriela.

Sabi ni Ilagan: Mas mabuting idaan na lang sa referendum ang isyu gaya ng ginawa sa Malta.

Wala pang posisyon ang Malacañang sa isyu.

Kung pagbabatayan ang pahayag ni Pangulong Aquino noong Agosto 2010, malabo niyang suportahan ang divorce bill.

Tila malabo pa rin ang tsansa ni Sarah na makalaya sa kanyang ligal na asawa. Abner Mercado, Patrol ng Pilipino