Search on for new chief justice

Posted at May 30 2012 10:23 PM | Updated as of May 31 2012 06:23 AM

Malinaw naman sa batas ayon kay Dean Jose Mejia, na miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC), na ang pinaka-senior sa mga justices ng Supreme Court ang dapat na pansamantalang pumalit sa napatalsik na si Chief Justice Renato Corona.

Simula sa susunod na linggo, tatanggap na sila ng mga aplikasyon at nominasyon upang makabuo ng listahan na kanilang irerekomenda sa Pangulong Noynoy Aquino.

“It should be the most senior which should be affirmed by the en banc,” sabi ni Mejia.

Pero para kay Senador Chiz Escudero na miyembro din JBC, sana ay hindi tinanggap ni Justice Antonio Carpio ang posisyon.

Alam naman daw ng lahat sa mga pahayag ni dating Chief Justice Corona na siya ang itinuturong nasa likod ng mga propaganda laban sa dating punong mahistrado.

“Sana kusa na lamang siyang magsabi kung sakali na hindi siya interesado o hindi niya hahabulin ang puwesto para sa gayon ay hindi tayo magmula sa isang away patungo sa panibago na namang away,” sabi ni Escudero.

Nauna ring nagbabala si Senate President Juan Ponce Enrile na hindi puwedeng mag-appoint si Aquino ng pansamantalang chief justice na manggagaling sa labas ng korte.

“The President cannot appoint an outsider because right now there is no JBC. The President cannot fill the vacancy that is now open," sabi ni Enrile.

Ayon pa sa mga miyembro ng JBC, ngayong acting chief justice si Carpio na nagsisilbing chairman ng lupon, posibleng mag-inhibit ito sa proseso ng pilian dahil kandidato rin siya sa permanenteng posisyon.

Pero hihigpitan na rin daw ng JBC ang proseso ng pagpili, kasama na rito ang pag-imbestiga sa kanilang mga deklaradong yaman.

“I will require them. Usually hindi ako pumupunta sa interview pero ngayon siguro I will join the panel sa interview,” sabi ni Rep. Niel Tupas, miyembro ng JBC.

“Lahat ng mag-a-apply, dapat mag-submit ng waiver. Kung ayaw mong magbigay ng waiver, huwag ka nang mag-apply dahil wala namang pumipilit sa inyo eh,” sabi ni Escudero.

Dapat daw taasan ang standard sa pagpili para hindi na maulit ang nangyari sa naging chief justice. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino