Carpio is acting CJ; SC judges to release SALN

Posted at May 30 2012 10:11 PM | Updated as of May 31 2012 02:17 PM

Si Associate Justice Antonio Carpio kasi ang siyang pinaka-senior justice ng Korte Suprema, alinsunod na rin sa itinatakda ng batas, kaya siya ang magiging acting chief justice hanggang magtalaga ng bagong punong mahistrado si Pangulong Noynoy Aquino.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon si Carpio at pinangunahan agad ang special en banc session ng Korte Suprema kanina.

Binaklas at itinabi na ang nakasabit na mga banners at streamers sa Korte Suprema, na minsang nagbandera ng suporta kay Chief Justice Renato Corona nang sumalang ito sa impeachment proceedings.

Malinis na rin ang lobby kung saan tinutukan ng mga court employees ang mga pagdinig sa telebisyon.

Maraming mga empleyado ang nahihiya nang magpa-interview.

Pero tila tanggap na nila ang pagpapatalsik sa dati nilang boss.

Kaninang umaga, inihatid ng Senado ang resolusyon ng impeachment court na naghatol ng guilty kay Corona.

Bandang hapon, isang special en banc session ang pinangunahan ni acting Chief Justice Antonio Carpio.

Bagong mukha rin ang humarap sa media sa press conference kanina.

Si Atty. Gleoresty Guerra ang magsisilbing Supreme Court spokesperson kapalit ni Court Administrator Midas Marquez habang nasa puwesto si acting Chief Justice Carpio.

“The position of Atty. Midas Marquez as court administrator is a permanent one so it’s not co-terminus as the term of Chief Justice Corona,” sabi ni Guerra.

Unang agenda ng Supreme Court en banc ang paglalabas ng SALN ng mga mahistrado na dating inlihim sa publiko.

“It was the collective decision of the court for the release of the SALN in full, not summaries,” sabi ni Guerra.

Inaasahang sa loob ng 90 araw matatapos ang proseso ng Judicial and Bar Council o JBC sa pagpili ng bagong punong mahistrado.

Ayon sa Korte Suprema, tatalakayin nila sa regular en banc session sa Hunyo kung matatanggap pa ni Corona ang mga benepisyo nito bilang dating punong mahistrado.

Paplantsahin din kung ano ang magiging guidelines ng mga mahistrado sa paglalabas ng kanilang SALN.