Doctors say Corona under intensive care

Posted at May 23 2012 09:49 PM | Updated as of May 24 2012 12:08 PM

Bukod sa nakasuwero, may nakakabit pa ring cardiac monitor kay Chief Justice Corona sa loob ng ICU para sa mahigpit na pagbabantay sa tibok ng kanyang puso.

Ang iniiwasan daw kasi ng mga doktor niya ay kung magkaroon ng arrythmia o abnormal na pagtibok ang kanyang puso na maaaring humantong sa atake sa puso.

Lalo't bukod sa diabetic, dalawang beses nang naisailalim sa heart bypass ang punong mahistrado.

Mula Senado kagabi, diretso sa Medical City si Chief Justice Corona.

Kaninang umaga, humarap sa media ang tatlong doktor niya para sabihin na ipinasok nila sa ICU ang punong mahistrado at dapat manatili roon sa loob ng 48 oras.

“It is not prudent for us to clear him to go to the Senate this afternoon. The heart function is really bad. The heart can actually be in a position, in a bad state, as far as a possible heart attack is concerned,” sabi ni Dr. Eugenio Jose Ramos, SVP ng Medical City medical services.

Anila, mahigpit na pagbabantay ang ginagawa sa Punong Mahistrado dahil high-risk patient ito.

Naoperahan na sa puso si Corona noong 1995 at 2008.

Dalawampung taon na rin siyang diabetic at ilang taon nang may problema sa bato.

Ang nangyari sa kanya sa Senado kahapon, posible raw dahil sa pagbagsak ng kanyang blood sugar bunsod ng insulin treatment.

“Hypoglycemia is one of the dangers in insulin treatment because hypoglycemia in a patient with a heart condition can actually trigger a heart attack,” sabi ni Dr. Ramos.

Chairman of the board ng Medical City ang father-in-law ni Supreme Court administrator at spokesman Midas Marquez.

Isa rin sa mga doktor dito si Constantino Castillo III, asawa ng panganay ni Corona na si Carla.

Para hindi pagdudahan ang kanyang kasalukuyang kondisyon, iniutos mismo ng Punong Mahistrado na isiwalat sa publiko ang kanyang medical records at history.

“We are going to confer with the doctors of the Senate and we will allow them to take a look at the Chief Justice. We welcome the physicians of the Senate because we want to assure the public that there is nothing to hide,” sabi ni Dr. Ramos.

Alas-9 ng umaga pa lang ay tumulak na ang doktor ng Senado na si Mariano Blancia sa Medical City.

Pero agad din itong pinabalik ni presiding officer Juan Ponce Enrile dahil hindi naman daw trabaho ng korte na alamin ang medical condition ng testigo.

Kahit nakasuwero, nakakakain naman si Corona.

‘Yun nga lang, under diabetic diet siya.

Kasama ng punong mahistrado ang kanyang pamilya na salitan sa pagbabantay sa kanya sa ICU.

Nagpunta rin ang kanyang abogado na si Justice Serafin Cuevas para kausapin sana siya, pero bigo dahil under sedation si Corona.

Gayundin si dating Sen. Kit Tatad at mga kamag-anak ng punong mahistrado.