ABS-CBN News

Corona given until Friday to appear in trial

Posted at | Updated as of 05/24/12 12:09 PM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Depende sa magiging desisyon ng mga senador, puwedeng sa Lunes o sa Martes sila magbaba ng hatol.

Magkakaroon muna ng oral arguments ang prosekusyon at depensa sa Lunes at pagkatapos, puwede na silang magpasya na maglabas ng verdict.

Kung hindi, sa Martes na raw ito at hindi na maipagpapaliban pa.

“If you will disrespect this court, this court will make a decision on this case right now.”

Galit na nagbabala si Senate President Juan Ponce Enrile sa depensa kahapon matapos umalis nang walang permiso si Chief Justice Renato Corona.

Nabigla maging ang ibang senador sa pag-alis niya.

“That is the conclusion that individual senators have made, that it was a walkout. Maliwanag naman eh,” sabi ni Senador Frank Drilon.

“Ang question lang naman talaga sa karamihan sa amin ay 'yung the way he left the hall,” sabi naman ni Senador Tito Sotto.

Kanina, inabangan ang magiging pasya ng impeachment court sa hindi pagdalo ni Corona na nasa ospital na ngayon.

"We are fully convinced hat he is really not in a position to testify considering his physical and mental condition. In fact, he cannot stand up. He is gasping for breath. I do not think his condition will warrant an intelligible examination whether direct or cross examination,” sabi ni retired justice Serafin Cuevas, lead defense counsel.

Ayon sa depensa, posibleng sa Lunes pa makalabas ng ospital si Corona at handa raw siyang ituloy ang testimonya.

Pero nagtakda na ng deadline ang korte.

“This court will give you until Friday to close your evidence. After that we will consider the case submitted on the record,” sabi ni Enrile.

Nagpasya naman ang prosekusyon na hindi na isailalim sa cross examination si Corona, maliban na lang kung tatanungin pa siya ng depensa.

Dahil dito, tatanggapin ng Senado ang halos tatlong oras na opening statement ni Corona kahapon bilang ebidensya.

“Mas pabor sa prosekusyon ‘yung testimony ni Chief Justice. Wala na kaming kailangang i-clarify doon. In-admit ‘yung dollar accounts, in-admit even ‘yung AMLC transactions,” sabi ni Rep. Niel Tupas, chief prosecutor.

“Tanggapin man ‘yung istorya o narration ni Chief Justice kahapon, ang question, gaano kabigat ito considering na minanifest kanina ng chief defense counsel na hindi sila magsa-submit ng additional evidence,” sabi ni Senador Alan Peter Cayetano.

Sa Lunes, may tig-isang oras ang prosekusyon at depensa para ilahad ang mga argumento nila sa huling pagkakataon.

Posibleng magbaba ng hatol ang impeachment court pagkatapos agad nito o kinabukasan, humarap man ulit ang nasasakdal para ipagtanggol ang sarili o hindi.

Samantala, sinabi ng prosekusyon at ni Senador Drilon na hindi sila kakagat sa hamon ni Chief Justice Corona na pumirma ng waiver para maglabas ng impormasyon tungkol sa mga ari-arian nila.

Ayon sa prosekusyon, hindi ito ang totoong isyu.

Ayon naman kay Senador Drilon, nakadeklara ang lahat ng ari-arian niya sa kanyang statements of assets, liabilities and net worth (SALN).