CJ to Senate men who stopped him: 'Are you arresting me?'

Posted at May 23 2012 09:58 PM | Updated as of May 24 2012 12:09 PM

“Emotions can run high. ‘Yung pag-walk out, I think that's .00001%.”

Ito ang sinabi ni Atty. Tranquil Salvador ilang oras bago naupo sa witness stand si Chief Justice Renato Corona.

Pero nag-dilang anghel nga ba ang abogado ni Corona?

Dahil kahapon, dire-diretsong lumabas ng session hall ang Punong Mahistrado matapos magbigay ng tatlong oras na opening statement.

Agad ipinasara ng presiding officer ang lahat ng pintuan at gate ng Senado.

Ang hindi nakita ng publiko, habang nagaganap ito, naka-standby na pala ang sasakyan ng Chief Justice na nakaparada sa ground floor ng gusali.

"When the Senate president was ordering me to close the gates, the car of the Chief Justice was already in position. ‘Yung sasakyan niya unti-unti nang lumalabas,” sabi ni Senate Sergeant-at-Arms Jose Balajadia Jr.

Ayon sa driver ni Corona, naghanda lang siya kahit walang utos sa kanya.

“Wala pong [instruction]. Lumabas na sa witness stand si chief, tumakbo na ako dito baka pababa na diretso,” sabi ng driver na si Lino Malunsac.

Sa masikip na hallway na ito sa likuran ng session hall, napigil nina Balajadia ang mag-asawang Corona.

Matagal din itong nakasandal lang sa pader, bago nabigyan ng isang maliit na upuan.

Nakapalibot ang kanyang mga abogado at security at ang security ng Senado.

Naroon din ang kanyang anak.

Ayon kay Balajadia, kinuwestyon pa siya ng mag-asawang Corona habang sinusubukang umalis ng building.

“Sabi ko sa kanya, ‘Sir, I'm sorry.’ Tapos sabi niya sa akin, ‘Are you arresting me?’ He was looking at me straight in the eye. Biglang sumabat si Mrs. Corona, sabi niya, ‘Is this martial law?’” sabi ni Balajadia.

Sa hallway, tiningnan siya ng mga doktor ng Senado.

Pinakain, at pinainom habang walang tigil ang pagpaypay sa kanya ng mga kasama.

Nakaluhod na nga si Atty. Judd Roy habang kinakausap ang mag-asawa.

Hanggang sa binigyan na siya ng wheelchair.

At ang sumunod na nakita ay ang pagbabalik niya sa loob ng impeachment court.

Kung planado nga ba ang pag-alis na ito ni Corona, hindi ito masabi ni Balajadia.

Ilang beses na ring sinabi ng mga abogado ni Corona na hindi ito sinasadya at biglaan ang naging pagbaba ng sugar level ni Corona dahil hindi pa ito kumain bago ang kanyang pagbibigay ng testimonya. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino