ABS-CBN News

CJ dares critics to waive their bank account secrecy

Posted at | Updated as of 05/23/12 6:03 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Ginawa ni Chief Justice Renato Corona ang hamon sa kanya ng prosekusyon at ng ilang senator-judges: Pinirmahan niya ang waiver para payagan ang impeachment court na silipin ang lahat ng bank records niya, peso man o foreign currency.

Tinapatan niya rin ng sariling powerpoint presentation ang powerpoint presentation ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na nagpakitang may $12 milyon diumano siya sa 82 bank accounts.

Isa lang ito sa mga inilahad ng punong mahistrado nang harapin ang impeachment court habang hind pa siya sumasailalim sa pagtatanong ng sarili niyang mga abogado.

Isa-isang inatake ni Corona ang aniya'y mga paninira sa kanya.

Una rito ang pagkakaroon diumano niya ng $12 million sa iba't ibang bank account.

Naghanda siya ng powerpoint presentation gaya ng ginamit ni Ombudsman Carpio-Morales.

“Nag-assemble po ako ng team of accountants to analyze her presentation at gagamitin ko ang sariling diagram ni Ombudsman Morales para i-expose ang napakatinding pagsisinungaling niya para siraan o sirain ang aking reputasyon,” sabi ni Corona.

Ayon kay Corona, nagsara na ang karamihan sa mga bank account na lumabas sa testimonya ni Morales at apat na lang ang natira.

Pinaglipat-lipat niya raw kasi ang laman ng ilang account para kumita nang mas malaking interes.

“Ginang Ombudsman, kayo po ba ay pinapatulog pa ng konsensya niyo, kung mayroon po kayo noon? Alam mo namang wala akong $12 million dollar deposits at 82 bank accounts. Bakit mo naman pinangangalandakan sa publiko ang kasinungalingang ito?” sabi ni Corona.

Wala raw ang mga account na ito sa kanyang mga statement of assets liabilities and net worth (SALN) dahil sa batas na nagsasabing confidential ang mga ito.

Hindi rin daw ito nakaw na yaman.

“Ang lahat ng sa amin ay nanggaling sa mabuting paraan, sa sariling sikap at wala po akong ninakaw sa gobyerno kahit na isang kusing. Wala po akong ninakaw sa gobyerno kahit na isang pera,” pagdidiin ni Corona.

Bago ito, inungkat niya ang away ng mga Basa -- ang pamilya ng asawa niyang si Cristina para sa kumpanyang Basa Guidote Enterprises Incorporated.

Matatandaang sa kumpanya diumanong ito umutang noon si Corona ng pambili ng ilang ari-arian niya.

Puno't dulo raw ng away ang dalawang ektaryang property sa Libis na may kasalukuyang halaga na P2.5 billion na kinamkam ng tiyuhin ni Ginang Corona na si Jose Basa III.

“Hindi po si Mr. Jose Basa ang inapi. Siya po ang nang-api sa aking mother-in-law at sa pamilya ng aking mother-in-law. Wala naman po siyang trabaho eh. Buong buhay naman po niya spoiled brat po eh, anak-mayaman,” paglalahad ni Corona.

Habang naririnig ang mga isinisiwalat ni Corona, emosyonal ang mga anak ni Jose Basa na dumalo sa pagdinig.

Ang away daw ng pamilya Basa ang dahilan kung bakit hindi sila nag-invest sa properties ng kanyang pamilya at sa halip ay ibinuhos ang mga ipinundar sa foreign exchange.

Muli ring itinanggi ni Corona ang pagkakaroon niya ng 45 properties. Lima lang daw ang pag-aari niya sa mga ito, bagay na nauna nang inihayag ng depensa sa impeachment court.

Bukod diyan ay sinabi rin ni Corona na tatlo lang ang peso accounts niya at hindi raw ito nakadeklara sa kanyang SALN dahil hindi niya ito personal na pag-aari.

Pinagsama-sama raw itong funds ng iba’t ibang mga indibidwal kabilang ang kanyang mga anak at mga magulang.

Pagkatapos ng lahat ng statements na ito ay saka na pumirma si Corona ng waiver para payagan ang impeachment court na buksan ang kanyang bank records, peso man o foreign currency deposits.

Pinayagan na rin ni Corona ang mga ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Internal Revenue at Land Registration Authority na maglabas ng impormasyon tungkol sa kanyang assets.

Pati ang Korte Suprema ay pinayagan niyang ilabas ang SALN niya para sa taong 2011.

Pero may kondisyon ang lahat ng ito -- dapat daw munang pumirma lahat ng kongresistang pumirma sa impeachment complaint partikular na si Senador Franklin Drilon ng waiver para maglabas ng impormasyon tungkol sa bank records nila.