Senate security tightened for Corona testimony

Posted at May 21 2012 11:13 PM | Updated as of May 22 2012 07:13 AM

Sinimulan nang higpitan ang seguridad sa loob at labas ng Senado. Kinansela na ng Senate Sergeant-at-Arms ang lahat ng mga leave o bakasyon ng kanilang puwersa sa panahon ng impeachment.

Posibleng mas higit pa raw ang pagbabantay nila at ng Philippine National Police kaysa noong unang araw ng impeachment.

"We will anticipate any untoward incident that may happen. In case, meron na kaming preparation," sabi ni Jose Balajadia, Senate Sergeant-at-Arms.

Bibigyan ng sariling security si Corona at ang kanyang pamilya. Iniayos na rin ang isang holding room para sa kanya.

Inaasahan na standing room only ang session hall bukas.

May mga VIP na raw na nagpalista, pero ang publikong nais makita nang personal ang pagdinig ay dapat makipag-unahan sa pila. Sabi ni Balajadia, uunahin nila ang mga senior citizens na pipila.

Ayon kay Senador Vicente Sotto III, handa na rin ang mga senador, na napagsabihan na rin sa kanilang mga limitasyon bukas.

Ayon kay Senate Majority Leader Senador Vicente Sotto III, "We will be stricter on the two-minute rule, no manifestations allowed, we will encourage everyone to avoid long predicates, just questions."

Nakapula lahat ang mga taga-suporta ni Corona na nagpamisa na kanina. At kahit hindi nagdeklara ng court holiday, malaki ang posibilidad na half-day lang bukas ang Korte Suprema at ilang korte, lalo na sa Metro Manila.

Ang ibang court employees ay inaasahang susugod sa Senado, at ang iba naman ay balak manood ng paglilitis sa telebisyon.

Sa labas ay inaasahan na ang dumog ng mga raliyista, pro- o anti-Corona man, pero hanggang Film Center lang daw at hindi na palalapitin pa sa pintuan ng Senado. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino