PNoy meeting with INC touches on Corona impeachment

Posted at May 21 2012 11:15 PM | Updated as of May 22 2012 12:00 PM

Nakipagpulong si Pangulong Benigno Aquino III kay Iglesia ni Cristo (INC) Executive Minister Eduardo Manalo sa Central Office nito sa Quezon City kanina.

Pero itinanggi ng Palasyo na may kinalaman ito sa ulat na sinusuyo umano ng INC ang mga senador para bumoto na ma-acquit si Chief Justice Renato Corona.

Giit ng Palasyo, matagal na raw naka-schedule ang meeting.

Hindi rin umano naniniwala ang Palasyo na nakikialam sa impeachment ang INC.

“The President explained to Ka Eduardo the reasons for the impeachment, that this is part of his reform agenda. Basically, it was just to touch base with Iglesia ni Cristo,” ani Sec. Edwin Lacierda, tagapagsalita ng Malacañang.

Tinawag ng Palasyo na pribado ang pulong, dahilan para hindi ito ipaalam sa media. Pero hindi raw pakay ni Aquino na ligawan ang INC para panigan siya laban kay Corona.

Ayon kay Lacierda, "You don't need to get the support. Right now, the decision is not being made by the President. It's going to be the senators."

Itinanggi naman ng ilang senador na may mga taga-INC na lumapit sa kanila.

"Walang pumupunta sa akin. I quarantined myself already," sabi ni Senate President Juan Ponce Enrile, bagama’t wala rin daw masama kung lapitan sila ng magkabilang panig.

“Kung may gustong makipag-usap sa akin, natural, kakausapin namin about anything they want. But just talking to them is not harming us,” ani Senador Ferdinand Marcos Jr.

Sabi naman ni Senador Edgardo Angara, “I think there is nothing wrong with constituents to talk to their representative government.”

Hindi naman nababahala ang mga abogado ni Corona sa naging pagpupulong ng Pangulo at ni Manalo. Tiwala silang magiging patas ang mga senador sa kanilang pagpapasya.

“Kami naman po ay naniniwala. Mataas po ang aming paniniwala sa ating mga Senator-Judges, na hindi po sila magpapaimpluwensiya, hindi sila magpapahimok sa kahit anong grupo,” sabi ni Atty. Rico Quicho ng defense team ni Corona.

Handa na rin daw si Corona na sagutin ang mga itatanong sa kanya bukas. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino