At least 3 issues await CJ response

Posted at May 21 2012 11:24 PM | Updated as of May 22 2012 11:59 AM

Siya ang pinuno ng pinakamataas na hukuman sa bansa. Pero bukas ay magbabago ang papel ni Chief Justice Renato Corona sa pagharap niya bilang testigo sa hukumang naglilitis sa kanya.

Inaabangan ang testimonya ni Corona sa impeachment trial lalo na ng mga senador na hahatol sa kanya.

“Sa mga senator-judges, mukhang mayroong clear unanimity o pagkakasundo na pinakamainam na humarap siya,” sabi ni Senador Francis Pangilinan.

“Talagang malakas yata ang loob niya na talagang maipapaliwanag niya,” sabi naman ni Senador Bongbong Marcos.

Tatlong bintang ang kailangan niyang sagutin -- ang diumano'y pagsisinungaling niya tungkol sa yaman niya sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net worth o SALN, ang pagpapalit-palit ng desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Philippine Airlines laban sa mga flight attendant nito, at pagkiling kay dating Pangulong Gloria Arroyo nang maglabas ang korte ng utos na pinapayagan siyang makalabas ng bansa.

Para sa mga umuusig at nagtatanggol kay Chief Justice Corona, ang pagtestigo niya ang pinakaimportanteng bahagi ng paglilitis.

Sa lahat ng mga akusasyon laban sa kanya, naniniwala ang ilang senador na pinakamabigat ang diumano'y pagkakaroon niya ng milyun-milyong dolyar na hindi nakadeklara sa SALN niya.

Para kay Senador Sergio Osmeñ III, mahalagang pabuksan ni Corona ang dollar accounts niya para maipaliwanag ito.

“Simple lang ito eh. Just sign a waiver now to all these banks saying to release these information related to those accounts,” sabi ni Osmeña.

Tiniyak ng depensa na handang-handa na ang kliyente nila.

Ang prosekusyon naman, ipauubaya sa mga private prosecutor ang paggisa kay Corona.

Boto ng 16 na senador ang kailangan para matanggal si Corona sa puwesto at walo para mapawalang-sala siya at manatiling punong mahistrado. Ryan Chua, Patrol ng Pilipino