US submarine's arrival in Subic draws protests

Posted at May 16 2012 11:36 PM | Updated as of May 17 2012 11:16 AM

Bagama't bumisita ang submarine na ito sa kalagitnaan ng tensyon sa pagitan ng Tsina, ayon sa SBMA, wala naman itong kinalaman sa gulo sa Scarborough shoal, at routine lang daw ito dahil buwan-buwan naman ay tumatanggap sila ng mga sasakyang pandagat ng America sa ilalim ng VFA.

Sa kanilang protesta sa gate ng SBMA kaninang umaga, kinokondena ng mga militante ang pagdaong
dito mula pa noong Lunes ng USS North Carolina, isa sa itinuturing na pinakamodernong submarine sa buong mundo.

Ayon sa mga militante, magpapalala lamang sa umiinit na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ang pagdating ng US submarine sa Subic na malapit sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.

"Saan nila gagamitin ang mga kagamitan na ‘yun? Wala namang giyera dito sa Pilipinas. Ang malaking usapin talaga lamang dito ang Scarborough shoal, kaya naman kami nagdududa sa kanilang pagdating dito sa SBMA," sabi ni Lea Montemayor, coordinator ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya.

Ayon sa SBMA, bukod sa 34 na crew na sakay ng submarine, wala silang impormasyon kung armado ba ito.

Noong Mayo 8 pa raw nagpaalam ang US Embassy para dumaong ang submarine at bumili ng supplies. Nakatakda itong umalis sa Mayo 19.

"Apparently, this is part of their regular deployment of their naval vessels all over the world,” sabi ni Roberto Garcia, chairman ng SBMA.

Ayon sa DFA, wala silang natanggap na impormasyon na magpapadala ng submarine sa Pilipinas ang America. Maging ang Malacañang, hindi rin alam ang tungkol sa submarine.

"I don’t think it’s part of the agreement for these boats to be coming in and out of here,” sabi ni DFA secretary Albert del Rosario.

“Wala po tayong natatanggap na impormasyong ganoon, at kailangan siguro natin mag-ingat. Tulad nga ng sinasabi ni Secretary Del Rosario kanina, ang daming lumalabas na false reports,” ani Ricky Carandang, tagapagsalita ng Malacañang.

Pero paliwanag ng SBMA, normal ang pagdating dito ng mga sasakyan ng Amerika dahil sa Visiting Forces Agreement.

"But you see, we accept VFA ships here almost every month eh. So it’s not unusual for them to come here,” sabi ni Roberto Garcia, chairman ng SBMA.

Dati nang inihayag ng US Embassy na hindi sila makikialam sa alitan ng Pilipinas at Tsina. Nagbigay sila ng barko sa Pilipinas at nagsabing babantayan ang mga nangyayaring usapin.

Ayon sa crew ng USS North Carolina, kasama sila sa paninindigan ng America na panatiliin ang kapayapaan sa rehiyon.

Giit naman ng US Embassy, isang routine port visit lang ito. Niko Baua, Patrol ng Pilipino