DOJ to sue Romulo Neri over taxes

Posted at May 12 2011 11:12 PM | Updated as of May 13 2011 12:21 PM

Nobyembre pa nang sampahan ng reklamong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue si dating National Economic Development Authority at Social Security System chief Romulo Neri.

Ngayon, iginiit ng Department of Justice na may sapat na basehan para isampa sa Court of Tax Appeals ang kaso.

Kaugnay ito ng mas mababa diumanong deklarasyon ng kita ni Neri noong 2008 at 2009 na nagresulta sa mas mababang binayarang income tax.

Ayon sa BIR, aabot sa higit P18 million ang buwis na dapat makolekta ng gobyerno mula kay Neri.

Ang bulto nito ay mula sa kinita niya bilang board member ng Philex Mining Corporation at director's fees sa Union Bank of the Philippines.

Matibay daw ang kaso ng BIR.

“We were able to convince the prosecutor that there is probable cause. Now he can go to court to present his evidence there,” sabi ni BIR Commissioner Kim Henares.

Depensa ni Neri, hindi siya binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Nagkalituhan daw sa ITR niya.

Mariin namang pinabulaanan ng Malacañang na tinatarget lang nito ang mga opisyal at kaalyado ng administrasyong Arroyo.

Matatandaang bukod kay Neri, sinampahan din ng tax evasion case sa DOJ ang dating presidential son na si Cong. Mikey Arroyo at ang asawa nito.

Kanina, dininig ang higit P73 million tax evasion case laban sa mag-asawang Mikey at Angela Arroyo.

Bigo ang mag-asawang dumalo dahil nasa America sila, pero sumipot ang kanilang abugado.

Nagsampa rin kanina ng reklamong tax evasion ang BIR laban sa tatlong gold traders dahil sa hindi pagbabayad ng halos P6 bilyon buwis. Ina Reformina, Patrol ng Pilipino