ABS-CBN News

Corona to face impeachment court

Posted at | Updated as of 05/09/12 7:18 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Ayon sa depensa, napagpasyahan nilang iharap si Chief Justice Renato Corona para masagot na niya ang isyu ng diumano'y $10 milyon na hawak niya sa bangko.

Kay Corona raw mismo galing ang desisyong humarap sa impeachment court at sinabi niya ito sa mga abogado niya habang nagmi-meeting sila kaninang umaga lang.

Pero bago siya tumestigo, hiniling muna ng depensa sa impeachment court na ipatawag ang ilang personalidad na may kinalaman sa impormasyon tungkol sa diumano'y $10 million account.

Pumayag ang impeachment court na i-subpoena sina Ombudsman Conchita Carpio-Morales na iniimbestigahan ngayon si Corona at ang mga nagreklamo kay Corona sa Ombudsman kabilang na sina Harvey Keh, dating Congressman Risa Hontiveros-Baraquel at Congressman Walden Bello.

Ihaharap sila ng depensa bilang hostile witnesses.

Pagkatapos nito ay saka lang nila ihaharap si Corona para sagutin ang mga akusasyon.

Sorpresa itong inanunsyo ng depensa kanina matapos silang magharap ng mga testigo tungkol sa Basa Guidote Enterprises Incorporated (BGEI), ang kumpanyang pag-aari ng asawa ni Corona na si Cristina.

“I draw your attention to $10 million that was mentioned by Senator Estrada and his, as he put it, gentle recommendation for the Chief Justice to testify in this connection. I wish to draw attention to the fact that this is not a matter within the complaint. Be that as it may, the defense is not going to skirt from this issue. If the honorable court is inclined that we should address this issue, we will willingly confront the issue,” sabi ni Atty. Judd Roy III ng defense panel.

“We are not categorizing any assets as illegally acquired asset but it is still an asset that must be included in the SALN if it exists. If it was not included in the SALN then ergo it will be a violation. We are happy that you are now cooperating with us,” sabi ni Senate President Juan Ponce Enrile.

“We will present the Chief Justice definitely,” sabi ni Roy.

Dagdag pa ng depensa, malaki ang posibilidad na pabubuksan din ni Chief Justice Corona sa impeachment court ang dollar accounts niya sa PSBank.

Pinagbigyan naman ng impeachment court ang hiling ng depensa na ipagpaliban muna nang ilang araw ang paglilitis at sa Lunes sa susunod na linggo na ulit ito itutuloy.