PNoy open to using Merci as witness vs Arroyo admin

Posted at May 03 2011 10:43 PM | Updated as of May 04 2011 06:43 AM

Pawang nakangiti at walang bakas ng tensyon sa mga mukha nina Ombudsman Merceditas Gutierrez at ni Pangulong Noynoy  Aquino nang ibigay ni Gutierrez ang kanyang liham ng pagbibitiw.

Ibang-iba sa ilang linggo rin na palitan nila ng mga banat sa media bago ang pagbibitiw ni Gutierrez.

Ngayong bababa na sa puwesto si Gutierrez, bukas naman si Pangulong Aquino sa ideya na gamitin si Gutierrez bilang state witness sa kung anumang kasong kriminal ang isusulong nila laban sa dating administrasyong Arroyo.

“If she testifies, then I think we will welcome. But we do not intend to force anybody, we think there are substantial pieces of evidence for numerous cases already present,” sabi ni Aquino.

Sa kanyang liham sa Pangulo, sinabi ni Gutierrez na kahit nagbitiw na siya ay itataguyod niya pa rin ang mabuting pamamahala sa gobyerno.

Palaisipan naman kung umabot na rin pati sa painting ang laban ng Malacañang kontra sa nakaraang administrasyon.

Sa picture-taking kasi matapos manumpa ang mga opisyal ng Malacañang Press Corps kanina, kapansin pansin na nawala ang larawan ni dating Pangulong Arroyo sa hanay ng larawan ng dating mga pangulo na nakasabit sa reception hall ng Palasyo.

Hirit naman ng Palasyo, huwag daw itong gawan ng intriga.

Inayos lang muna ang larawan ni dating Pangulong Arroyo para ipareho ang frame nito sa iba pang litrato.
 
Pinalitan din ang larawan ni Pangulong Aquino.

Kung dati ay naka-Amerikana, naka-Barong Tagalog na ito ngayon para mas angkop ang kasuotan sa pagiging Pilipino. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino