US not taking sides in Scarborough row

Posted at May 01 2012 10:29 PM | Updated as of May 02 2012 12:06 PM

Nakuha ng Pilipinas ang nais nitong marinig mula sa Amerika pero hindi sa mga pananalitang inaasam nito.

Sa naganap ng '2+2' meeting sa Washington D.C., siniguro ng US na tutulong ito sa Pilipinas sa pagpapalakas ng kakayahang magpatrolya ng kanyang mga karagatan pero wala itong kakampihan sa nagaganap na hidwaan sa West Philippine Sea na tinawag maging ng US Secretary of State sa kilalang bansag nito sa buong mundo.

"While we do not take sides on the competing sovereignty claims to land features in the South China Sea, as a Pacific power, we have a national interest in freedom of navigation, the maintenance of peace and stability, respect for international law, and the unimpeded, lawful commerce across our sea lanes,” sabi ni Secretary of State Hillary Clinton.

"I think the US has been very clear that they do not get involved in territorial disputes,” sabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.

“We oppose the threat or use of force by any party to advance its claims, and we remain in close contact with our ally, the Philippines,” sabi ni Clinton.

Pero kasabay ng pahayag na ito ang paninimbang ng Amerika sa kanyang relasyon sa China.

Ilang oras matapos ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Pilipinas, tumulak patungong Beijing si Secretary Clinton para sa isang nakatakdang pakikipag-usap sa mga Chinese leader sa isyu ng kalakalan, pag-unlad at maging human rights.

Habang wala si Secretary Clinton, sa Pentagon nakatuon ang pansin sa ayudang maibibigay sa Pilipinas.

“We are improving the Philippines’ maritime presence and capabilities with the transfer of a second high-endurance cutter this year,” sabi ni US Defense Secretary Leon Panetta.

Bukod sa ikalawang barkong ibibigay ng Amerika, nakatakda ring tumanggap ng long range maritime planes at interceptor jets ang ating militar.

Magtatapos ang '2+2' meeting na ito sa Miyerkules. Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino