Most of 300,000 jobs in fair for abroad

Posted at May 01 2012 10:24 PM | Updated as of May 02 2012 06:24 AM

Nasa 10,000 job openings sa business process outsourcing (BPO) ang alok sa job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Pero sa dami ng aplikante, matindi na rin ang kumpetisyon.

Karamihan sa may 300,000 job vacancies ay nasa industriya ng BPO, hotel and restaurant, health, IT, construction at service.

Sa mga trabahong alok, mas marami ang pang-abroad, bagama't mabuting balita, patunay na kulang ang employers sa Pilipinas.

Sa job fair, nakakagulat na halos tatlong beses ang dami ng mga job openings na inaalok sa abroad kumpara sa Pilipinas.

“That means we really lack investors and employers,” sabi ni DOLE Undersecretary Lulu Trasmonte.

Tulad na lang ng 26 taong gulang na nurse na si Robert Allida.

Apat na taon na siyang nag-a-apply bilang nurse sa Pilipinas.

Pero ngayon susubok na siya sa Saudi.

“’Di ko na mabilang eh, palaging ganoon ang nangyayari, wala pa din,” sabi ni Allida.

Gusto namang maging waitress ng 42 taong gulang na si Aling Letty pero college graduate ang requirement ngayon at 18-27 years old.

Kaya't handa siyang mag-domestic helper at iwan ang dalawang anak.

Pero ayon sa TESDA, ‘di ito ang solusyon. Imbes na mag-abroad, dapat matuto na lang silang magnegosyo.

“Ang isa pa nating pinapatupad ay ang ‘technopreneurship’ program kung saan kayo ang sarili niyong boss,” sabi ni Joel Villanueva, director general ng TESDA.

Aminado ang DOLE, hindi na ganoon kasimple ang paghahanap ng trabaho ngayon dahil kailangang “mag-match” ang trabaho sa aplikante. Karen Davila, Patrol ng Pilipino